Pic

Rep. Romualdez isinusulong P3,500 buwanang rental housing subsidy para sa mga pamilyang Pilipinong walang tirahan

169 Views

NAGSUMITE si Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez ng panukala na magbigay ng buwanang rental housing subsidy para sa milyun-milyong Pilipinong walang tirahan na opisyal na tinatawag na informal settler families (ISFs).

Nakasaad ang panukala ni Romualdez sa House Bill (HB) No. 7230, na ang isa ring pangunahing may-akda ay si Tingog Party-list Rep. Jude Acidre.

Pinamagatan itong, “An Act establishing a rental housing subsidy program for informal settler families and appropriating funds therefor.”

Ayon kay Romualdez, ang iminungkahing Rental Housing Subsidy Program Act ay “magbibigay ng social protection at suporta sa mga ISFs upang makapasok sa pormal na housing market sa ilalim ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).”

“Ito ay magsisilbing opsyon upang tugunan ang pansamantalang relokasyon ng mga pamilyang naapektuhan ng mga likas at gawa ng tao na kalamidad,” ani Romualdez.

“Ang tulong pinansyal sa mga pamilyang mababa ang kita o mga indibidwal na nawalan ng tirahan ay makatutulong upang makakuha ng disenteng matitirhan sa rental market. Ito ay nagsisilbing flexible safety net kapag hindi pa agad magagamit ang permanenteng solusyon. Nagbibigay din ito ng mas magandang access sa trabaho at paaralan, at nagsisilbing tulay hanggang sa maging available ang permanenteng pabahay,” dagdag ng lider ng Kamara mula sa Leyte.

Sa paghahangad ng tulong pinansyal para sa mga pamilyang walang tirahan, binanggit ni Acidre ang probisyon ng Konstitusyon na nag-aatas sa Estado na “sa pamamagitan ng batas, at para sa kabutihang panlahat, magsagawa, katuwang ang pribadong sektor, ng tuloy-tuloy na programa ng reporma sa lupang urban at pabahay upang maipagkaloob sa abot-kayang halaga ang disenteng pabahay at batayang serbisyo sa mga kapus-palad at walang tirahang mamamayan sa mga urban center at relokasyon.”

Ayon kay Acidre, tinutukoy sa HB 7230 ang ISFs bilang “mga sambahayang naninirahan sa lupa, pribado man o pampubliko, nang walang pahintulot ng may-ari; o yaong walang legal na karapatan sa lupang kanilang tinitirhan; o yaong nakatira sa mga danger area tulad ng estero, riles ng tren, tambakan ng basura, pampang ng ilog, baybayin, at mga daluyan ng tubig, alinsunod sa Seksyon 3(e) ng Republic Act No. 11201 o ang Department of Human Settlements and Urban Development Act.”

Ang “rental housing subsidy” ay tumutukoy sa tulong pinansyal na ibinibigay ng pamahalaan upang bayaran ang pansamantalang paggamit o paninirahan sa isang residential unit sa pampubliko o pribadong rental housing market.

Ayon kay Acidre, sa ilalim ng panukala, ang mga kwalipikadong ISFs na naninirahan sa Metro Manila ay makatatanggap ng P3,500 na rental subsidy bawat buwan.

Para naman sa mga nakatira sa ibang rehiyon, ang halaga ay itatakda ng DHSUD at ng National Economic and Development Authority (NEDA), batay sa umiiral na minimum wage at rental rates sa bawat rehiyon, ngunit hindi lalampas sa P3,500 kada buwan.

Hindi rin dapat lumampas sa aktuwal na upa ang ipagkakaloob na tulong pinansyal.

“Maaaring baguhin ng DHSUD at NEDA ang mga halaga anumang oras, ngunit hindi hihigit sa isang beses kada dalawang taon, upang umayon sa umiiral na kalagayang pang-ekonomiya,” ani Acidre.

Ipagkakaloob ang rental subsidy sa mga kwalipikadong benepisyaryo hanggang sa makumpleto ang permanenteng proyektong pabahay para sa kanila o hanggang sa aktuwal silang mailipat dito, alinman ang mauna.

Kung sakaling maantala ang pagkumpleto ng permanenteng pabahay, palalawigin ang pagbibigay ng subsidy, ngunit sasagutin ng ahensyang nagpapatupad ng housing project ang gastos para sa pinalawig na tulong pinansyal.

Upang maging kwalipikado, ang mga Pilipinong walang tirahan ay dapat kabilang sa ISFs ayon sa depinisyon ng panukala at lisanin ang kasalukuyang informal settlement area na kanilang inookupahan at lumipat sa mas ligtas at awtorisadong lugar ng pamahalaan.

Ang lahat ng benepisyaryo ay kailangang sumunod sa mga sumusunod na kondisyon upang patuloy na makinabang sa programa:

(a) Hindi sila dapat bumalik o muling lumipat sa kanilang dating tinitirhan maliban kung pinahintulutan ng tamang awtoridad ng pamahalaan, alinsunod sa layunin ng Programa; at

(b) Dapat nilang bayaran sa nagpapaupa ang bahagi ng upa na hindi saklaw ng subsidy.

Ang mga benepisyaryong may maayos na record ng pagbabayad ay bibigyang-priyoridad sa mga programa ng pabahay ng pamahalaan.

Tinutukoy rin sa panukalang batas ang mga responsibilidad ng mga kaugnay na ahensiya ng pamahalaan, kabilang ang DHSUD, National Housing Authority, Presidential Commission for Urban Poor, Department of Social Welfare and Development, Home Development Mutual Fund, at Technical Education and Skills Development Authority.

Ang DHSUD, sa pakikipag-ugnayan sa iba pang kaugnay na ahensiya, ay maglalabas ng implementing rules and regulations sa loob ng anim na buwan mula sa pagiging epektibo ng panukalang batas.