CAAP

Sitwasyon sa Gitnang Silangan minomonitor ng CAAP

Jun I Legaspi Mar 1, 2026
228 Views

MINOMONITOR ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang operasyon ng mga flight kasunod ng tensyon sa Gitnang Silangan na nagdulot ng pagkaantala sa mga byahe patungo at mula sa rehiyon.

Mula Pebrero 28, may kabuuang 23 international flights ang nakansela at 3 international flights ang na-divert ng iba’t-ibang airlines dahil sa mga konsiderasyong pangkaligtasan at mga restriksyon sa himpapawid.

Nakansela ang dalawang flights ng Cebu Pacific, walo sa Philippine Airlines, 2 sa Qatar Airways, isa sa Gulf Air, apat sa Etihad Airways at anim sa Emirates at na-divert ang 2 flights ng PAL at 1 sa Qatar Airways

Tiniyak ni CAAP Director General Raul Del Rosario sa publiko na ang ahensya ay nagsasagawa ng mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at crew alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Kalihim ng Transportasyon Giovanni Lopez.

Pinapayuhan ng CAAP ang mga apektadong pasahero na makipag-ugnayan ng direkta sa kani-kanilang airline para sa mga opsyon sa rebooking, refund at pinakabagong impormasyon ukol sa kanilang flight.