Sandro

Panukala para isama sa curriculum ng higher education pag-aaral ng WWII aprub sa Kamara

Mar Rodriguez Mar 4, 2026
128 Views

PINAGTIBAY sa plenaryo ng Kamara de Representantes sa pamamagitan ng 250 votes para sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na naglalayong isama sa curriculum ng higher education ang komprehensibong pag-aaral ng kasaysayan ng Pilipinas noong World War II.

Sinabi ni House Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Ferdinand Alexander “Zandro” A. Marcos na layunin ng panukala na palalimin ang kamalayan ng mga estudyante sa kasaysayan ng bansa at mapanatili ang mga kuwento ng sakripisyo at pakikipag-laban ng mga Pilipino noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Ayon kay Marcos, tuloy-tuloy at mananatili ang pagsisikap ng liderato ng Kamara de Representantes na makapagpasa ng mga mahahalaga at makabuluhang legislasyon na tutugon sa edukasyon, civic formation, at pambansang kaunlaran sa ilalim ng pamumuno ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III.

“The House has been moving key education reforms with discipline and this bill ensures our history is taught with depth and seriousness it deserves,” sabi ni Marcos.

Sa ilalim ng House Bill No. 7808, itinatakda nito ang komprehensibong pag-aaral ng kasaysayan ng Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig kung saan ito ay isasama sa Philippine History Subject ng mga higher education institution.

Sabi pa ni Marcos na nakapaloob din sa panukala ang bahaging tumatalakay sa World War II ay kinakailangang bumuo ng hindi bababa ng humigit kumulang sa 50% ng mandatory Philippine history subject sa general education curriculum.

Dagdag pa ng kongresista na ipinapakita nito ang hangaring Ituring ang panahong ito bilang sentral na kabanata ng tinatawag na national memory at hindi laman aniya opsiyonal na na talakayan na naka-depende sa oras, kagustuhan ng guro o sa nagagamit na materyales.