Tandang Sora

Mga Pilipina inihalintulad ni Magsino kina Tandang Sora, Gabriela Silang

Mar Rodriguez Mar 4, 2026
202 Views

KASABAY ng selebrasyon ng National Women’s Month nagbigay pugay si dating OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino para sa mga Pilipinong kababaihan na inihalintulad nito sa mga bayaning sina Melchora Aquino at Gabriela Silang.

Ipinaliwanag ni Magsino na ang mga kababaihan sa ating kasalukuyang panahon ay matatawag na mga modernong Tandang Sora dahil sa kanilang taglay na kasipagan, pagtitiyaga at kahandaang maglingkod.

Sinabi pa ni Magsino na katulad din ng bayaning si Gabriela Silang, maihahalintulad sa kaniya ang mga modernong Pilipina na matapang hindi sa pamamagitan ng pisikal kundi sa aspeto ng lakas at tapang na harapin ang mga dumarating na hamon ng buhay.

Pagbibigay diin ng dating lady solon na sa pamamagitan ng mga katangiang ito, kahanga-hanga ang karakter ng mga Pilipina sa ating kasalukuyang panahon dahil na rin sa kanilang napakalaking kontribusyon sa pag-unlad ng ating bansa.

“Ang mga Pilipina sa ating panahon ngayon ay gaya ng mga bayaning sina Melchora Aquino at Gabriela Silang. Masipag sila, trabaho lang ng trabaho, walang reklamo, at the same time matapang.

Matapang nilang hinaharap ang mga problema sa buhay. Ganyan sila katatag at kasipag. Kaya saludo ako sa mga kababaihan,” pahayag ni Magsino.

Kasabay nito, hinihikayat din ni Magsino ang mga kababaihan na tularan ang karakter ng nasawing Overseas Filipino Worker (OFW) na si Mary Ann Velasquez de Vera na nakahandang magsakripisyo para sa kaligtasan at kapakanan ng kaniyang kapwa.

Paglilinaw ng dating congresswoman na hindi naman kailangan pang magbuwis ng buhay sapagkat sapat na ang isa-alang-alang ang kapakanan at kagalingan ng ibang tao sa halip ang unahin nila ay ang kanilang mga sarili gaya ng ginawa ni De Vera.