NAIA

Wanted sa estafa na OFW bumalik sa Pilipinas, tiklo

Edd Reyes Mar 5, 2026
125 Views

TIMBOG ang 36-anyos na babaing overseas Filipino worker (OFW) na mahigit 10-taong ng tinutugis ng pulisya makaraang bumalik sa bansa Miyerkules ng gabi sa NAIA Terminal 3 sa Pasay City.

Binasahan kaagad ng kanyang karapatan ng mga tauhan ni PNP Aviation Security Group (AVSEGROUP) Director P/BGen. Dionisio Bartolome, Jr. ang babaing OFW matapos arestuhin habang nasa arrival area ng NAIA Terminal 3 nang dumating galing sa bansang Thailand.

Nakakuha ng warrant of arrest na inilabas ng First Judicial Region ng Regional Trial Court (RTC) Branch 33 ng Bauang, La Union ang NAIA Police Station 3 sa tulong ng Manila Police District (MPD) Sta Mesa Police Station-8 laban sa akusado na nahaharap sa kasong Estafa.

Pansamantalang naka-detine sa Sta Mesa PS-8 ang babaing akusado na makakalaya lamang pansamantala sa oras na makapaglagak ng P49,000,00 piyansa na itinakda ng korte. “Every intercepted passenger with a pending case is a reminder that our commitment to enforcing the law at all airports nationwide remains unwavering,” pahayag ni BGen. Bartolome.