Dy

Speaker Dy pinuri si PBBM

Mar Rodriguez Mar 5, 2026
128 Views

PINURI ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. dahil sa paglagda nito sa batas na nagpapalawig sa operasyon ng Congressional Commission on Education (EDCOM II).

Nilagdaan ni Pangulong Marcos ang RA 12315 na nagpapalawig sa mandato ng EDCOM II ng dalawa pang taon na lampas sa orihinal na na tatlong taong termino.

Sinabi ni Speaker Dy na layunin nito na magkaroon ng sapat na panahon para sa mas malalim na pananaliksik, konsultasyon at pagbabantay sa mga reporma sa edukasyon.

Ipinaliwanag din ng mambabatas na ang batas na ito ay repleksiyon ng nagkakaisang layunin ng Kamara de Representantes at administrasyong Marcos, Jr. na panatilihin ang pang-matagalang reporma sa sektor ng edukasyon.

Binigyang diin pa ng House Speaker na ang extension na ito ay titiyak na ang mga nasimulang reporma ay matatapos at mapapatatag sa mga darating na hinaharap.

“Hindi ito simpleng extension. Isa itong malinaw mensahe na ang mga repormang sinimulan ay kailangang tapusin, palalimin at titiyaking may pang-matagalang epekto sa buhay ng ating mga mag-aaral, guro at pamilya,” sabi pa ni Speaker Dy.

Binanggit din ni Speaker Dy ang determinasyon ng Kamara de Representantes na suportahan ang mga reporma sa edukasyon hindi lamang sa pamamagitan ng batas kundi pati narin sa tuloy-tuloy na paglalaan dito ng pondo.

Sa ilalim ng 2026 General Appropriations (GAA), naglaan ang Kongreso ng P1.3 trilyon para sa edukasyon.