Calendar
Tsino tinangkang saksakin misis, nakitang patay sa tabi ng pool
PATAY na nang matagpuan ang 69-anyos na Chinese national sa tabi ng swimming pool sa isang condominium matapos pagtangkaang saksakin ang kaniyang misis sa Cubao,Quezon City, nitong Biyernes ng umaga.
Sa ulat ng Cubao Police Station (PS 7) ng Quezon City Police District (QCPD), alas-10:41 ng umaga nitong Biyernes, March 6, nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa gilid ng swimming pool sa ikaapat na palapag ng gusali sa isang condo sa Brgy. Valencia, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ni P/MSg Jayson De Leon, dumaranas umano ng depresyon ang biktima dahil sa kanyang namamagang prostate, kaya nahihirapan ito sa pag-ihi.
Bago ang insidente, alas- 10:00 ng umaga, niyaya umano ng biktima ang kaniyang misis na pumunta sa ospital, subalit sinabihan niya ito na hintayin ang mga kamag-anak dahil abala siya sa kanilang trabaho.
Ilang saglit lang ay nakita na niya ang biktima na may hawak na kutsilyo.
Nang akmang sasaksakin umano siya ng mister ay sumigaw siya ng tulong at narinig ng kanilang anak na babae na kasalukuyang nagtatrabaho online sa kabilang silid, at agad na sinaklolohan ang kanyang ina.
Pagkatapos ay nagkulong umano ang mag-ina sa isang silid at tumawag sa property administrator na agad nagreport sa mga opisyal ng Brgy. Valencia.
Nang siyasatin, nakita nila ang biktima na nakatayong mag-isa sa tabi ng bintana.
Ilang minuto ang nakalipas , nakita na nila ang biktima na na duguang nakahandusay sa tabi ng swimming pool area sa 4th floor sa nasabing condo.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.

