Calendar
ACT Teachers Rep. Antonio Tinio
Tinio binira VP Sara sa isyu ng confidential funds
INAKUSAHAN ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio nitong Linggo si Vice President Sara Duterte na tila “nabubuhay sa sariling mundo” habang pinupuna niya ang naging tugon nito sa mga tanong kaugnay ng paggamit niya ng confidential funds.
“Talagang nabubuhay sa sariling mundo ng guni-guni itong si VP Sara Duterte,” sabi ni Tinio sa isang statement.
Ayon sa mambabatas mula sa Makabayan bloc, mistulang nakalimutan ng Bise Presidente ang nauna nitong pagtangging sagutin ang mga katanungan tungkol sa badyet ng kanyang opisina.
“Nakalimutan na ba niya ’yung paulit-ulit na pagtanggi niyang sumagot ng anumang tanong tungkol sa kanyang budget: ‘I would like to forgo the opportunity to defend the budget in a question-and-answer format.’ ’Yan pala ang ibig sabihin ng transparency sa kanyang mundo,” ani Tinio.
Pinabulaanan din ng mambabatas ang pahayag ni Duterte na ang isyu ng confidential funds ay may bahid ng pulitika.
“Taktikang pusit na naman ang kanyang linya na ‘politika’ lamang ang nasa likod ng pagsiwalat ng Makabayan bloc sa isyu ng kanyang Confidential Funds,” saad ni Tinio.
Iginiit niyang nananatili ang mga tanong hinggil sa paggamit ng pondo, lalo na ang umano’y mabilis na paggastos ng P125 milyon.
“Talagang may sabit siya. Hindi niya matatakasan ’yung P125 million in 11 days,” pahayag ni Tinio.
Ang Makabayan bloc ay nananatiling determinado na panagutin ang mga may kinalaman sa isyung ito, dagdag pa ng kinatawan ng ACT Teachers party-list.

