Calendar
PAGASA: Opisyal nang nagwakas ang La Nina
INANUNSYO ng PAGASA na opisyal nang nagwakas ang La Niña phenomenon matapos bumalik sa ENSO-neutral ang kondisyon ng karagatan sa tropical Pacific base sa Oceanic Niño Index (ONI).
Ang ENSO-neutral ay ang kalagayan ng panahon kung saan walang El Niño o La Niña na nagaganap sa Pacific Ocean. Ito ang “normal” o transitional phase ng ENSO cycle.
Ayon sa ahensya, inaasahang mananatili ang ENSO-neutral conditions mula Enero–Pebrero–Marso hanggang Hunyo–Hulyo–Agosto 2026.
Dahil dito, inilabas na ng PAGASA ang huling advisory para sa La Niña (2025–2026) at ibinaba na rin ang ENSO Alert and Warning System sa neutral level.
Gayunman, nagbabala ang PAGASA na kahit tapos na ang La Niña, maaari pa ring makaranas ng malalakas na pag-ulan sa bansa dahil sa iba pang weather systems.
Posible umano itong magdulot ng flash flood at landslide lalo na sa mga lugar na bulnerable sa ganitong kalamidad.
Patuloy namang imo-monitor ng PAGASA ang lagay ng panahon at klima sa bansa at maglalabas ng mga update kung kinakailangan.
Pinapayuhan ang publiko at mga ahensya ng pamahalaan na manatiling alerto at maghanda upang mabawasan ang epekto ng mga panganib na dulot ng panahon.

