Hontiveros Sen. Risa Hontiveros File photo ni JOSEPH MUEGO

Recruitment sa pamamagitan ng job platforms inusisa ni Sen. Risa

127 Views

INUSISA ni Sen. Risa Hontiveros ang mga opisyal ng national security kaugnay ng umano’y pagrerecruit ng mga Pilipino sa pamamagitan ng online job platforms para sa foreign-linked espionage activities.

Sa pagdinig ng Senate Subcommittee on Justice, sinabi ni Philippine Navy Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na apat na personalidad na tinukoy sa pagdinig sa mga alyas na Lawrence, Allison, Danny, at Charles ang namonitor sa ilalim ng insider threat program ng pamahalaan.

Nilinaw niyang hindi ito ang kanilang tunay na pangalan.

Ayon kay Trinidad, sina Lawrence, Allison, at Danny, na inilarawang mga fresh graduate o naghahanap ng trabaho, ay nag-post ng kanilang resume sa mga commercial application at kalaunan ay kinontak ng mga dayuhan na nag-alok sa kanila ng trabaho bilang “consultant” o “columnist.”

Sinabi ni Trinidad na matapos tanggapin ang apat, inatasan ang tatlo ng kanilang mga handler na magsulat tungkol sa mga paksa tulad ng defense diplomacy at modernisasyon ng Philippine Navy kapalit ng bayad.

Ayon pa sa kanya, isinasagawa umano ang bayaran sa pamamagitan ng GCash at iba pang electronic transfer, gayundin sa pamamagitan ng “dead drop,” kung saan iniiwan sa mga tagong lugar ang pera at mga tagubilin.

May ilang bayad na ipinadaraan sa food deliveries, bagay na nagpapakita ng masalimuot na support system, ayon sa Navy official.

Sinabi rin ni Trinidad na si Charles, isang Philippine Navy officer, ay nilapitan din ngunit tumanggi sa alok.

Matapos ang briefing, tinanong ni Hontiveros kung may pagkakatulad ang pattern na ito sa mga paraang nakita noon sa mga operasyong iniuugnay sa Philippine Offshore Gaming Operators.

“Baka ngayon POGO bosses ang gumagamit ng sistema ito? Bukas mga espionage agents na pala sila?,” tanong ng senadora.

Sinabi naman ni National Security Council Undersecretary Nestor Herico na nakakabahala ang isyu at kailangang palakasin ang institutional vigilance, public awareness at legislative support upang maprotektahan ang pambansang seguridad at soberanya.

Nagbabala si Hontiveros laban sa pag-usbong ng paranoia sa hanay ng mga kawani ng gobyerno.

Binigyang-diin niya na kailangang maging mapagbantay at matatag ang gobyerno sa pagtulak pabalik sa mga dayuhang influence operation nang hindi sinisira ang tiwala sa loob ng burukrasya.

Iginiit din ni Hontiveros ang kahalagahan ng maagap na babala at suporta sa sinumang maaaring malapit nang mabitag sa ganitong operasyon.

Samantala, nanawagan ang NSC sa Kongreso na bigyang-prayoridad ang pagpasa ng bagong Anti-Espionage Bill na papalit sa Commonwealth Act No. 616, gayundin ang Anti-Foreign Malign Influence and Interference Act, na ayon sa mga opisyal ay magpapalakas sa kakayahan ng gobyerno laban sa mga hostile intelligence network.