Risa

Senado ipinasa panukalang batas para mapangalagaan mga may autism

184 Views

PASADO na sa Senado sa huling pagbasa ang Senate Bill No. 1822 o ang “National Autism Care, Support, and Inclusion Act” na layuning bumuo ng national plan upang mapabuti ang serbisyo, pangangalaga at social inclusion para sa mga may Autism Spectrum Disorder (ASD).

Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, sponsor ng panukala, kinikilala ng batas na ito ang ASD bilang neurodevelopmental condition at nagtatakda ng isang science-based na tugon mula sa pamahalaan.

Iginiit naman ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito na kritikal ang maagang pagtukoy sa kondisyon at ang pagkakaroon ng mga accessible na serbisyong pangkalusugan.

“Autism should never be seen as a burden. Rather, it is a different way of viewing and experiencing the world,” wika ni Ejercito.

“Hindi po sapat na sabihin lamang natin na mahalaga ang persons with autism. Ang kailangan natin ay konkretong plano para sa kanila at ang paglalagak ng karampatang pondo upang maipatupad ito,” ayon sa senador.

Sa ilalim ng nasabing batas, ang National Council on Disability Affairs (NCDA) ang mangunguna sa paghahanda at pagpapatupad ng National Plan of Action para sa ASD.

Inaatasan nito ang DOH, DepEd, DSWD at DOLE na magtulungan para sa integrasyon ng mga serbisyo.

Kasama rin sa batas ang probisyong laban sa diskriminasyon, kung saan ipinagbabawal sa anumang institusyon o ahensya ng gobyerno ang pagkakait ng karapatan ng mga taong may ASD sa edukasyon, trabaho at serbisyong pangkalusugan.