Diokno

Diokno: Kaligtasan ni Madriaga tiyakin, ilagay sa kustodiya ng panel

118 Views

Pic1Pic3Pic2HUMILING ang isang miyembro ng House Committee on Justice na kunin ng komite sa kustodiya ang nakakulong na testigong si Ramil Lagunoy Madriaga upang matiyak ang kanyang kaligtasan at pagiging available na tumestigo sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Z. Duterte.

Ginawa ni Akbayan Rep. Jose Manuel “Chel” Diokno ang kahilingan sa isang liham na may petsang Marso 5 na ipinadala kay Committee on Justice Chairperson Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ng Batangas, matapos mapagpasyahan ng komite na ang reklamo nina Fr. Saballa at iba pa at ang reklamo ni Atty. Cabrera ay “sapat sa porma at nilalaman.”

Sa isang mosyon na nakapaloob sa liham, hiniling ni Diokno na ilipat sa kustodiya ng komite si Madriaga, na kinilalang material witness sa impeachment case at kasalukuyang nakakulong sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City.

“Humihiling din ako na ang kustodiya ni G. Ramil Lagunoy Madriaga, na lumilitaw na isang mahalagang saksi sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Z. Duterte, ay ilipat sa Committee on Justice upang matiyak ang kanyang kaligtasan at ang kanyang pagdalo upang tumestigo sa komite sa tamang panahon,” ayon sa isinulat ni Diokno.

Sa parehong liham, hinimok din ni Diokno ang komite na agad na ipatawag ang mga mahahalagang rekord na aniya’y kinakailangan upang “matupad ang mandato nitong suriin ang ebidensya upang matukoy kung may sapat na batayan para sa impeachment.”

“Upang maisakatuparan ang mandatong ito at mapadali ang mga pagdinig, magalang kong hinihiling na maglabas ng subpoena duces tecum para sa mga sumusunod,” ani Diokno.

Kabilang sa mga unang dokumentong hinihingi ang mga sertipikadong kopya ng Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte. Hiniling ni Diokno sa Office of the Ombudsman na magbigay ng SALN para sa mga taong 2022 hanggang 2025, 2007 hanggang 2013, at 2016 hanggang 2022, upang maipaalam sa komite ang mga ari-arian, pananagutan, at net worth na idineklara ng Bise Presidente “mula nang siya ay unang pumasok sa serbisyo publiko hanggang sa kasalukuyan.”

Hiniling din ni Diokno sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na magsumite ng sertipikasyon sa ilalim ng panunumpa kung mayroon itong mga rekord ng covered o kahina-hinalang transaksyon na may kaugnayan kay Duterte. Kabilang dito ang mga account sa pangalan ni Duterte, mga account sa pangalan ng mag-asawang Sara Zimmerman Duterte at Manases “Mans” Reyes Carpio, mga account sa pangalan nina Duterte at Rodrigo Roa Duterte, at iba pang kaugnay na account.

Layunin nito na matulungan ang komite na suriin kung may nakuha bang ill-gotten o hindi maipaliwanag na yaman ang Bise Presidente o kung may mga ari-arian na hindi niya idineklara sa kanyang SALN sa mga nasabing panahon.

Humingi rin si Diokno ng mga rekord mula sa National Bureau of Investigation (NBI) tungkol sa imbestigasyon nito sa mga umano’y banta na iniugnay kay Duterte laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, kabilang ang mga sertipikadong kopya ng mga dokumento at larawan na nakalap sa imbestigasyon.

Ang mga mosyon ay sinuportahan nina Rep. Leila M. De Lima ng Mamamayang Liberal Party-list, Rep. Percival “Percy” V. Cendaña ng Akbayan Party-list, at Rep. Kaka Bag-ao ng Dinagat Island, ayon sa nakasaad sa liham.

Inaasahang tatalakayin ng komite ang mga kahilingang ito sa susunod na linggo habang nagpapatuloy ito sa paghahanda para sa evidentiary phase ng impeachment proceedings, kabilang ang paglalabas ng mga kinakailangang legal na proseso upang makuha ang mga opisyal na rekord at matiyak ang pagdalo ng mga mahahalagang testigo.