Calendar
Lacson binatikos mga kilos ni Marcoleta
MARIING pinaalalahanan ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson ang bawat Pilipino na maging tapat sa bansa at sa kanyang bandila.
Ito ang iginiit nitong Huwebes ni Lacson na sa Pilipinas dapat nakatuon ang katapatan ng mga Pilipino kasabay ng pagbatikos niya sa umano’y mga kilos ni Sen. Rodante Marcoleta na, ayon kay Lacson, ay umano’y pumapabor sa interes ng ibang bansa.
Ang pahayag ay inilathala sa opisyal na website ni Lacson at iniugnay sa kanyang panayam sa DZRH.
Ayon kay Lacson, hindi personal ang usapin kundi may kinalaman sa pambansang interes.
Tinukoy niya ang mga pahayag ni Marcoleta na kumukuwestiyon sa pagtakbo ng Pilipinas para sa isang non-permanent seat sa United Nations Security Council at sinabi na kahit pansamantalang puwesto lamang ito ay makapagbibigay pa rin ng dagdag na impluwensiyang diplomatiko sa
bansa at mas malaking papel sa pagsusulong ng pambansa at rehiyonal na interes.
Sinabi rin ni Lacson na ilang ulit umanong kinuwestiyon ni Marcoleta ang mapa ng West Philippine Sea na inilabas ng National Mapping and Resource Information Authority sa kabila ng pagpasa ng Philippine Maritime Zones Act at Archipelagic Sea Lanes Act na, ayon sa kanya, ay nagpapatibay sa karapatan at teritoryal na integridad ng Pilipinas.
Ayon pa kay Lacson, lumitaw din ang usapin sa pagdinig ng Commission on Appointments defense committee kaugnay ng promosyon ng mga opisyal ng militar, kung saan sinabi niyang tinanong ni Marcoleta ang isang opisyal ng Army tungkol sa West Philippine Sea. Binanggit din niya na sinabi ni Sen. Jose na mas saklaw ito ng Navy at Coast Guard.
Dagdag pa ni Lacson, iniulat umano ni Sen. Erwin Tulfo kay Senate President Vicente Sotto III na nais ni Marcoleta na imbitahan ang mga kinatawan ng Namria at iba pang personalidad sa isang pagdinig ng Senado kung saan tatalakayin at kukuwestiyunin ang mapa ng Pilipinas.
Sa parehong post, sinabi rin ni Lacson na may ilang pahayag umano si Marcoleta tungkol sa West Philippine Sea na kahawig ng mga posisyong inilathala sa website ng Ministry of Foreign Affairs of the People’s Republic of China.
Sa ambush interview matapos ang pagdinig ng Commission on Appointments noong Marso 11, mariin naman na itinanggi ni Marcoleta ang alegasyon at sinabi na hindi niya ipinagtatanggol ang China kelan man.
“Paano ko dinefend ang China? You tell me, when?” ani Marcoleta nang tanungin tungkol sa paratang na kahawig ng posisyon ng China ang kanyang mga pahayag.
Dagdag pa niya, hindi pa rin siya pumipirma sa partial committee report blue ribbon sa ilalim ni Sen. Lacson.

