Calendar
Sen. Win humiling ng fuel subsidy para sa mga magsasaka, mangingisda
NANAWAGAN si Sen. Sherwin Gatchalian para sa fuel subsidy ng mga magsasaka at mangingisda habang tumataas ang presyo ng petrolyo sa pandaigdigang pamilihan.
Ang digmaan sa Middle East ang nagtutulak sa matinding pagsirit ng presyo ng langis at lalo pang nagpapahirap sa mga sektor na matagal nang pinapasan ang mataas na gastos sa operasyon, ayon sa senador.
Binigyang-diin niya na kailangang kumilos agad ang pamahalaan upang mailabas ang nakalaang ayuda at maibsan ang epekto nito sa agrikultura at pangisdaan.
Sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act, may nakalaang P75 milyon sa Department of Agriculture para sa fuel assistance ng mga magsasaka kaugnay ng paggamit ng mga postharvest facilities at iba pang kagamitang pansaka.
May karagdagang P75 milyon ding subsidiya sa langis para sa mga mangingisda sa ilalim ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Ayon kay Gatchalian, nananatiling hindi nagagamit ang mga pondong ito noong 2025 at maaari pa ring ipamahagi bilang continuing budget.
Dagdag pa niya, maaari ring kumuha ang pamahalaan ng dagdag na pondo mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) kung kakailanganin.
“Ang maagang paglalabas ng subsidiya ay magbibigay ng tulong pinansyal sa mga pinaka-apektadong sektor sa bansa sa gitna ng inaasahang pagtaas ng mga gastos sa operasyon,” ani Gatchalian.
Ang mabilis na pagtulong sa mga magsasaka at mangingisda ay malaking bagay upang matiyak ang maayos na suplay at presyo ng pagkain sa bansa.
Dagdag ito sa lumalakas na panawagan sa Senado para sa agarang tugon habang ang pabagu-bagong presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ay nagsisimula nang tumama sa transportasyon, agrikultura at badyet ng mga pamilya.

