Calendar
18 ex-Marines inudyok na ayusin ang affidavit para di maging circus
NANANATILING bukas ang pintuan ng Senate Blue Ribbon Committee sa 18 “ex-Marines” na nag-angking naghatid ng umano’y kickbacks sa ilang personalidad, basta’t ilapit nila ang kanilang testimonya sa katotohanan, ayon kay Senate President Pro Tempore at Blue Ribbon panel chairman Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Biyernes.
Sinabi ni Lacson na kung ang mga pahayag ng 18 ay nasa loob ng “realm of possibilities,” matagal na sana silang inimbitahan ng komite upang pakinggan ang kanilang mga pahayag.
“Hindi naman sarado ang pintuan ng Blue Ribbon Committee para dinggin sila. Pero ayusin lang nila para hindi maging circus,” aniya sa isang panayam sa DZBB radio.
Ipinaliwanag ni Lacson na bagama’t hindi maikakaila na may mga cash delivery na ginawa sa ilang benepisyaryo kaugnay ng mga flood control project, may mga bahagi ng unang pahayag ng grupo na tila lampas sa makatotohanang posibilidad.
Kabilang dito ang sinasabing kabuuang P805 bilyon na cash deliveries na ayon kay Lacson ay “parang nakakainsulto sa katalinuhan ng mga Pilipino”.
Nauna nang itinuro ng senador ang “impossibility” ng ganoong kalaking halaga pati ang napakahirap na aspetong logistikal ng paghawak at aktuwal na pagdadala ng pera.
Hinimok na niya ang abogado ng grupo na si Levito Baligod, na nagprisinta sa 18 sa isang press conference sa Club Filipino noong Pebrero 24, na gawin ang mga kinakailangang hakbang hinggil dito.
“Pagisipan nilang mabuti yan. Pwede naman silang mag-retract, sabihing na-overlook. Basta ilapit sa makatotohanan na di magmumukhang pinatulan natin ang kabulaanan,” giit ni Lacson.
“Ayusin lang ninyo ang affidavit, ilapit ninyo sa katotohanan, at tatawag ako ng pagdinig,” dagdag pa niya.
Muling iginiit ni Lacson na layunin ng komite na ilantad ang katotohanan at hindi ang kasinungalingan habang naninindigan sa prinsipyo na “we will go where the evidence leads us”.
Mariin niyang itinanggi ang mga paratang na may pinoprotektahan siyang personalidad dahil may mga kasamahan na siyang senador na tinamaan sa committee report.
“I-maintain ko ang aking position, we go where the evidence leads us. Hindi nagbabago yan. E may tinamaan na nga kasamahan ko, may mas titindi pa ba doon mismong kasamahan kong senador kasama sa committee report, tapos bintangan ako na may pinoprotektahan? Yan ang di ko pwede tanggapin,” aniya.
Samantala, binanggit din ni Lacson na kailangan pa ng limang lagda para sa partial committee report ng Blue Ribbon Committee bago ito pormal na maihain.
Aniya, plano niyang kumbinsihin ang ilan pang miyembro ng majority bloc upang lumagda sa naturang ulat.

