Lacson

‘We must be careful,’–Sen. Ping sa mga balak mag-amend sa Senate minutes

134 Views

NAGBABALA si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na posibleng magkaroon ng legal accountability ang Commission on Appointments (CA) kung itutuloy ang pag-amyenda sa minutes ng pagdinig noong Pebrero 4 na naglalaman ng umano’y pahayag ni Sen. Rodante Marcoleta na tila nagsasabing dapat “i-give up” na ng Pilipinas ang Kalayaan Island Group (KIG).

Ayon kay Lacson, kailangang pag-aralang mabuti ang anumang pagbabago sa minutes sa ilalim ng Article 170 ng Revised Penal Code na may kaugnayan sa falsification of legislative documents.

Sinabi niya na naipaabot na niya ang kanyang pangamba kay Senate President Vicente Sotto III at nagbabala laban sa pag-apruba sa anumang amyenda nang hindi muna sinusuri ang posibleng legal na implikasyon nito.

“We must be careful lest we be charged with falsification of legislative records and be implicated as co-conspirators because we approved the amendment,” ayon sa senador.

Ayon kay Lacson, ang mosyon ni Marcoleta na amyendahan ang bahagi ng rekord ng pagdinig ay ini-refer na sa CA Committee on Rules para sa pagsusuri.

Nag-ugat ang usapin sa umano’y pahayag ni Marcoleta sa naturang pagdinig, na umani ng batikos matapos umanong magmungkahi si Marcoleta na isuko ang KIG.

Sinabi ni Marcoleta na inalis sa konteksto ang kanyang pahayag at hindi ito nangangahulugan ng pagsuko ng teritoryo ng Pilipinas.

Sa isang naunang panayam, itinanggi ni Marcoleta na ipinagtanggol niya ang China. Kinuwestiyon din niya ang paglalatag ng usapin.

Sinabi pa ni Lacson na lalong naging maselan ang usapin dahil sa isang resolusyon mula sa Sangguniang Bayan ng Kalayaan, Palawan na humihiling na alisin sa opisyal na rekord ang pahayag ni Marcoleta.

“No less than the people of Kalayaan municipality have aired their sentiments to remove his remarks from records,” ani Lacson.

Inulit ni Lacson ang kanyang panawagan sa mga Pilipino na unahin ang interes ng bansa kaysa sa personal na interes.

“Pilipino tayo… Pilipinas pa rin ang ating bansa na dapat nating mahalin, itaguyod at ipangtanggol,” aniya sa post sa X.

Dagdag pa niya, kahit ang mga Pilipinong may second citizenship o may ugnayan sa ibang bansa ay dapat unahin ang interes ng Pilipinas kaysa sa interes ng ibang bansa.

“We must always remember that our country comes first… The Philippines’ interests must come first for us, not those of other countries,” aniya.