Calendar
Kuha ni JONJON C. REYES
Salamat PBBM sa P5K ayuda sa trikers –Yorme Isko
NAGPASALAMAT si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa pamamahagi ng P5,000 cash assistance sa mga tricycle driver na layong mapagaan ang epekto ng mataas na presyo ng langis dulot ng giyera sa Gitnang Silangan.
Nagtungo ang alkalde sa ASAC Covered Court sa Sta Mesa, isa sa mga pagdarausan ng distribusyon ng pera, upang samahan ang Pangulong Marcos, Jr. sa pamamahagi ng pinansiyal na tulong sa mga kuwalipikadong tricycle drivers.
“Nagpapasalamat tayo kay Presidente, napakalaking bagay nito para sa ating mga driver, maibsan itong hinaharap nilang suliranin dahil sa presyo ng gas,” pahayag ni Mayor Isko Moreno.
Sa ilalim ng naturang programa, pinangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang distribusyon ng P5,000 cash assistance sa tinatayang 139,000 na tricycle drivers sa Metro Manila.
Sinabi ni Pangulong Marcos na sa mga susunod na araw, hindi lang mga tricycle driver ang mabibigyan ng tulong pinansiyal, kundi maging ang mga jeepney driver at transport network vehicle service (TNVS) drivers.
Inihahanda na rin aniya ang fuel subsidies sa mga manggagawa ng sektor ng transportasyon at tulong pinansyal sa mga magsasaka at mangingisda na apektado rin ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

