Suspek1 Matapos ang 24 oras, personal na sumuko kay Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ngayong Martes, Marso 17, ang drayber ng motorsiklong sangkot sa pagpaslang sa retiradong pulis na si George Capistrano noong Linggo ng madaling araw sa Balut, Tondo. Ang pagsuko ay kasunod ng 48-oras na ultimatum na inilatag ng alkalde sa kanyang Talk to the People broadcast, kung saan hinikayat ang suspek na makipagtulungan sa mga awtoridad. JONJON C. REYES

Manhunt inilunsad sa bumaril kay Capistrano, driver sumuko na

Edd Reyes Mar 17, 2026
148 Views

Suspek2

Suspek3
Matapos ang 24 oras, personal na sumuko kay Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ngayong Martes, Marso 17, ang drayber ng motorsiklong sangkot sa pagpaslang sa retiradong pulis na si George Capistrano noong Linggo ng madaling araw sa Balut, Tondo.
Ang pagsuko ay kasunod ng 48-oras na ultimatum na inilatag ng alkalde sa kanyang Talk to the People broadcast, kung saan hinikayat ang suspek na makipagtulungan sa mga awtoridad. JONJON C. REYES

INIHAYAG ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso nitong Martes, Marso 17, na sumuko na ang driver ng motorsiklo sa ambush na ikinamatay ng retiradong pulis na si George Capistrano, habang patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang gunman.

Sa Facebook Live broadcast ng “Talk to the People,” kinilala ni Domagoso ang suspek na si Liegem Bulalacao Young, kilala rin bilang “Biboy,” na boluntaryong sumuko sa tulong ng isang opisyal ng barangay matapos himukin ng mga awtoridad.

Sinabi ng alkalde na gumawa ng breakthrough ang Manila Police District (MPD) sa kaso kasunod ng mga nagpapatuloy na follow-up operations at intelligence gathering.

“Ngayon, as you can see, meron na po tayong development. Sumuko na po ‘yung isa sa mga suspect, at nagbibigay na siya ng mahalagang impormasyon para matukoy ang iba pang sangkot sa krimen,” sinabi ng alkalde.

“We are halfway of giving justice to the victims, at sisikapin naming mahanap pa ang iba pang miyembro ng grupong ito para tuluyan nang maresolba ang kaso,” dagdag ng mayor.

Sinabi ni Mayor Isko na inamin ng suspek ang kanyang papel bilang driver ng motorsiklo sa insidente ng robbery-holdup ngunit sinabing ang kanyang kasabwat na kinilalang si Albert Magdaraog ang bumaril kay Capistrano.

“Driver lang naman po ako. Wala naman po akong alam na papatayin niya eh. Pagbaba niya, binaril niya agad, siya lang po ‘yung may dala,” inihayag ng sumukong suspek.

Sinabi ni Domagoso na patuloy ang operasyon ng mga awtoridad upang mahanap si Magdaraog at iba pang posibleng miyembro ng grupo, na pinaniniwalaang bahagi ng roaming robbery-holdup syndicate na kumikilos sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.

“Doon sa Albert Magdaraog at sa iba pang kasama niya—lapit ka na, lapit ka nang mahuli—dahil tuloy-tuloy ang aming operasyon para kayo ay mapanagot sa batas,” Domagoso said.

“Rest assured, we will not stop. Kung ginawa niyo ito sa Maynila, hahalughugin namin ang buong bansa,” idiniin ni Domagoso.

Si Capistrano, 56, ay binaril bandang hatinggabi noong Marso 15 sa kahabaan ng Salonga Street corner Buendia Street sa Barangay 134, Balut, Tondo.

Sinabi ng pulisya na isinugod ang biktima sa Tondo Medical Center ngunit idineklara itong patay dakong 12:35 a.m.