Huli

Lalaki, magkapatid na babae arestado sa pagkatay ng aso

Edd Reyes Mar 17, 2026
128 Views

ARESTADO ang isang lalaki at magkapatid na babae nang mahuli sa aktong nagkakatay ng aso na kanilang ibinebenta Lunes ng hapon sa Navotas City.

Tinangka pang pumalag ng 26-anyos na si alyas “Boy” nang itulak ang isa sa mga tauhan ng Intelligence Unit ng Navotas Police Station na dadakip sa kanila habang nanghimasok naman ang 26-anyos na bebot para protektahan at hindi maaresto ang 31-anyos niyang ate na katulong sa pagkakakatay kaya’t nakasama siya sa mga dinakip.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, nakatanggap ng tawag pasado alas-1:00 ng hapon ang Station Tactical Operation Center ng Navotas police kaugnay sa ginagawang pagkakatay at pagbebenta ng karne ng aso sa Fatima St. Brgy. Bagumbayan South.

Dito na nadakip ang mga suspek na nagkakatay ng babaeng aso habang nakalatag na ang mga karne na una na nilang kinatay kabilang na rito ang humigit kumulang na 4.5 kilo pa ng karne ng aso. Kinumpiska rin ng mga pulis ang dalawang tanikala ng aso, tatlong patalim na pangkatay, at superkalan na pakuluan ng tubig.

Sa pahayag naman ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco, patuloy aniya silang naninindigan laban sa anumang uri ng pagmamaltrato sa hayop at tiniyak na paiigtingin nila ang pagpapatupad ng batas upang maprotektahan ang mga hayop at matiyak ang kaligtasan ng bawat Navoteno.

Mahaharap sa patong-patong na kasong paglabag sa RA 8485 (Animal Welfare Act), RA 9482 (Anti-Rabies Act), at RA 10611 (Food Safety Act), ang 26-anyos na lalaki at ang 36-anyos na kasabuwat na babae habang karagdagang paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code (Resisting Arrest) ang isasampa laban kay alyas “Boy” at Obstruction of Justice naman sa 26-anyos na bebot.