Caloocan

Caloocan health centers binigyan ng laptop, desktop, printers

Edd Reyes Mar 16, 2026
145 Views

NAMIGAY ng mga laptop at desktop computers ang Caloocan City sa lahat ng barangay health centers sa siyudad upang makatulong na maipatupad ang digitalization ng mga serbisyo sa mamamayan.

Kabilang sa mga ipinamahagi ang mga printers upang lalo pang mapagbuti ang pagkakaloob ng serbisyong pangkalusugan sa komunidad tulad ng pagpo-proseso, pag-filing, pamamahagi ng impormasyon sa pasyente at mabilis na imbentaryo ng mga gamot at iba pang medical supplies.

Siniguro ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan na makakabilang sa pagpapabuti ng mga programang pangkalusugan na ipinatutupad ng lungsod ang pag-upgrade ng mga pasilidad at kagamitan na gamit ng mga health workers.

“Layunin natin na sa pagsasaayos ng mga pasilidad at mga kagamitan ng mga health centers, karagdagang benepisyo at mas improved na mga serbisyo rin ang pakikinabangan ng ating mga kababayan at health personnel,” pahayag ni Mayor Along.

Pinaalalahanan ng alkalde na ang lahat ng mga inaalok na serbisyo ng mga health centers sa lungsod ay libre at bukas sa lahat ng mga residente ng barangay.

“Ang gusto natin, kapag may pangangailangang medikal ang mga Batang Kankaloo, mauunang puntahan ang mga health center sa kani-kanilang barangay dahil hindi na sila mag-aalala sa gastos at kalidad ng serbisyo,” sabi pa ni Mayor Along.