Sara1

Luistro: Pinalampas ng kampo ni VP pagkakataong sagutin alegasyon ng impeachment

95 Views

SINABI noong Martes ni House Committee on Justice Chair Atty. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ng Batangas City na pinalampas ng kampo ni Bise Presidente Sara Z. Duterte ang mahalagang pagkakataon upang direktang sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya, habang nagpapatuloy ang impeachment proceedings sa Kamara.

Ayon kay Luistro, nabigyan ang Bise Presidente ng pagkakataong tumugon sa mga paratang na nakasaad sa mga reklamo, ngunit nabigo ang kanyang kampo na talakayin ang mga ito nang paisa-isa.

“Kaya nga binibigyan natin ng pagkakataon ang Bise Presidente, ang ating respondent, na sumagot doon sa mga offenses at sa mga grounds na nakapaloob sa dalawang complaints,” ani Luistro.

Binanggit din ni Luistro na matagal nang naghihintay ang publiko ng malinaw na sagot sa mga alegasyon.

“Sayang talaga. Sayang ang pagkakataon na sana ay naipaliwanag ang lahat ng sinasabing mga paglabag at mga batayan, sapagkat ito ang matagal nang hinihintay ng ating mga kababayan—ang kasagutan sa mga alegasyon laban sa ating Bise Presidente,” dagdag pa niya.

Iginiit ni Luistro na naitatag na ng House panel ang sapat na anyo at nilalaman ng mga reklamo sa mga naunang deliberasyon, at binigyang-diin na ang proseso ay nakabatay sa mga umiiral na patakaran at sinusuportahan ng pasya ng mga miyembro ng komite.

Sinabi rin niya na magpapatuloy ang panel sa kanilang gawain, kabilang ang pagtalakay sa mga paunang usapin, habang naghahanda para sa susunod na yugto ng proseso ng impeachment.