Collab para sa usapang imigrasyon sinelyuhan ng BI, PBS-BBS

Jun I Legaspi Mar 17, 2026
103 Views

PINAGTIBAY ng Bureau of Immigration (BI) ang pakikipag-ugnayan sa Presidential Broadcast Service-Bureau of Broadcast Services (PBS-BBS) sa pagpirma ng Memorandum of Agreement (MOA) para palawakin ang kaalaman ng publiko hinggil sa mga usaping pang-imigrasyon sa pamamagitan ng broadcast media.

Lumagda sa MOA sina BI Commissioner Joel Anthony Viado at PBS-BBS Director Fernando Amparo-Sanga.

Sa ilalim ng MOA, ipagpapatuloy ng BI ang programang pang-radyo na “Bagong Immigration: Usapang Byahe at Serbisyo” tuwing Lunes mula ala-1:00 hanggang alas-2:00 ng hapon sa Radyo Magasin 1278 kHz.

Binibigyang-diin ng kasunduan ang pangako ng dalawang ahensya na palakasin ang kamalayan ng publiko sa pamamagitan ng pagbibigay ng napapanahon at mahalagang impormasyon ukol sa mga polisiya, programa at inisyatibo ng pamahalaan.

“Lubos naming pinasasalamatan ang PBS-BBS sa patuloy na pakikipagtulungan na tumutulong sa amin na maiparating sa publiko ang mga polisiya sa imigrasyon, mga alituntunin sa paglalakbay at iba pang serbisyo ng BI,” ani Viado.

Binigyang-diin ni Viado na sa pamamagitan ng Bagong Immigration, patuloy na pinauunlad ng BI ang mga inisyatibo sa komunikasyon sa pagbibigay ng napapanahong gabay at impormasyon ukol sa mga usaping pang-imigrasyon.

“Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan na ito, layon naming itaas ang kamalayan ng publiko hinggil sa mga modus ng trafficking at iba pang ilegal na gawain na kinasasangkutan ng mga dayuhan at hikayatin ang publiko na manatiling mapagmatyag at may sapat na kaalaman,” sabi ni Viado.