Benefits

4PH beneficiaries kay PBBM: Maraming salamat

Jun I Legaspi Mar 22, 2026
125 Views

NAGPASALAMAT ang mga benepisyaryo ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nang aprubahan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang Enhanced Community Mortgage Program (ECMP) project sa Laguna at Quezon at ipamahagi ang Certificates of Entitlement (COEs) na sakop ng Presidential Proclamation No. 436 Series of 2003 sa Cabuyao at Lucena City.

“Malinaw po ang direktiba ni Pangulong Marcos Jr.—pabilisin at palawakin ang Expanded 4PH upang mas maraming pamilyang Pilipino ang matulungang magkaroon ng mas may dignidad at kapanatagan na pamumuhay,” sabi ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling.

“Hindi po titigil ang pamahalaan sa paghahatid ng oportunidad sa bawat pamilyang Pilipino na magkaroon ng sarili nilang ligtas, disente at abot-kayang tahanan.

Utos po ng Pangulo, walang maiiwan sa Bagong Pilipinas kaya tuloy-tuloy po ang rollout ng Expanded 4PH sa iba’t ibang bahagi ng bansa,” dagdag ng kalihim.

Noong Marso 10, nasa 271 pamilya mula sa Don Vicente Villas Homeowners Association (HOA) Phase 8 sa Brgy. Pulo, Cabuyao City ang nakasaksi sa turnover ng bayad para sa lupang kanilang tinitirhan na isinailalim sa ECMP sa pangunguna ng Social Housing Finance Corporation (SHFC).

Sinabi ni Devicris Madrideo na: “Dati po, wala kaming kasiguruhan sa aming lugar. Ngayon po ay panatag na kami kasi alam po namin na yung lupa ay maipapamana na namin sa aming mga anak. Sa Pangulo, maraming salamat po.”

Sa Lucena City, 180 pamilya ang tumanggap ng COEs mula kay Secretary Aliling at Mayor Mark Alcala noong Marso 12 sa Lucena City Convention Center.

Ayon kay Donata Veloso, isa sa mga lider ng benepisyaryo: “Ngayon ay nagkaroon na ng katuparan ang aming pangarap. Wala na po kaming pangamba na kami ay mapapaalis pa.

Nagpapasalamat kami sa Panginoong Diyos at sa ating minamahal na Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos.”

Ang pagbuhay muli sa ECMP at Presidential Proclamations ay kabilang sa mga hakbang ni Secretary Aliling upang palawakin ang saklaw ng 4PH at gawing mas makatao at pro-poor ang programa.

Kasama ni Secretary Aliling sa mga aktibidad sina DHSUD Senior Undersecretary Eduardo Robles Jr., pinuno ng Expanded 4PH Project Management Office, at iba pang opisyal mula sa DHSUD, SHFC at mga lokal na pamahalaan.