Calendar
PCSO magpapadala ng portable AI x-ray system sa Batanes
BILANG suporta sa programang pangangalaga sa kalusugan ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., magpapadala ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng portable AI-X-ray system sa lalawigan ng Batanes.
Ayon kay PCSO General Manager Melquiades Robles, ang ide-deploy nilang REMEX KA6 na isang world-class medical screening, ay nauna ng pinili para sa pagsusuri ng imahe ng larawan sa kalawakan ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) at kabilang sa iba pang mataas na uri ng kahalintulad na sistema para magamit ng mga astronaut.
Nakatakdang dalhin sa mga liblib at bulubunduking lugar sa Basco at Sabtang sa Batanes ang makabagong X-ray machine na may bigat lamang na 3.5 kilogram at pinatatakbo ng baterya para gamitin sa nalalapit na medical mission sa naturang lalawigan.
Nagtataglay ito ng Artificial Intelligence (AI) na mabilis makakatukoy sa mga sakit na Tberculosis (TB), pneumonia nodules, pamamaga o bukol, pneumothorax, pleural effusion o tubig sa baga, paglaki ng baga, at maging ng bali sa buto upang kaagad mabigyan ng lunas sa mga malalaking pagamutan.
Sinabi ni GM Robles na ang gagawing medical mission ay bilang pagtalima sa direktiba ng Pangulong Marcos na ilapit sa mamamayan ang pinakamahusay na teknolohiya at kanila itong maisasakatuparan sa pamamagitan ng pakikipag-partner sa pribadong sektor na gumagamit ng makabagong teknolohiya.
Ayon pa kay Robles, bukod sa may mababang radiation ay mabilis pa ang resulta ng AI-Xray na isa aniyang mahalagang hakbang upang maihatid sa malalayong lugar sa Pilipinas ang makabagong pangangalaga sa kalusugan na magtitiyak na walang komunidad na maiiwan.

