Calendar
P1.2M tulong ipinamahagi ng DHSUD
CALAPAN CITY–Namahagi ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ng P1.2 milyong tulong sa ilalim ng Integrated Disaster Shelter Assistance Program (IDSAP), Phase 1 Emergency Response sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyong Dante at Emong.
Umabot sa 107 benepisyaryo ang nakatanggap ng Emergency Shelter Support na nakalaan para sa mga pamilyang may nasirang tahanan.
Ayon kay Engr. Redentor Reyes Jr., layunin ng programa na matulungan ang mga naapektuhan na muling makabangon at makapagsimula sa pag-aayos ng kanilang mga tirahan matapos ang pinsalang dulot ng kalamidad.
Naniniwala si Calapan City Mayor Doy Leachon na mahalaga ang programa dahil nagbibigay ito ng tulong sa mga pamilyang nawalan ng matitirhan o nasira ang bahay.
“Hindi lamang nito tinutugunan ang pisikal na pangangailangan sa tirahan, kundi nagbibigay rin ito ng pag-asa at lakas ng loob sa mga nasalanta upang muling bumangon mula sa sakuna,” sabi ng mayor.
Hinihikayat ng DHSUD ang pakikipagtulungan ng iba’t-ibang ahensya at sektor upang mas mapalawak pa ang abot ng ganitong mga programa.

