Plastic Run

4K plastic bottles nalikom sa Laguna Earth Run

Gil Aman Mar 29, 2026
85 Views

GINANAP noong Marso 28 sa Laguna ang Earth Night Run na may temang “Run for the Earth, Run for the Future” sa pamumuno ng Youth Development Affairs Office (YDAO) na halos 700 runners ang nakiisa at nasa 4,000 plastik na bote ang nakolekta mula sa mga kalahok.

Tampok sa aktibidad ang 5-km fun run na pinangunahan ng YDAO sa ilalim ni Fatima Eleonor Villaseñor katuwang ang Laguna provincial government sa pamumuno ni Gov. Sol Aragones.

Nakiisa ang mga kalahok mula sa iba’t-ibang bahagi ng lalawigan sa aktibidad na nagsusulong ng kalusugan at pangangalaga sa kalikasan.

Naging bahagi rin ng programa ang pakikiisa sa Earth Hour sa pamamagitan ng sabayang pagpapatay ng ilaw sa kapitolyo bilang simbolo ng pagkakaisa laban sa climate change.

Isa sa mga kailangan sa pagpaparehistro ang pagdadala ng limang plastik na bote bilang ambag sa kampanya para sa waste reduction at recycling.