Calendar
Bagong segment ng Cavitex C5 link papabilisin byahe mula P’que hanggang Taguig
PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang inspeksyon at pagbubukas ng bagong segment ng Cavitex C5 Link, na inaasahang magpapabilis ng biyahe mula Parañaque City patungong Taguig City sa loob ng 15 minuto lamang.
Ayon sa Pangulo, malaking tulong ang bagong expressway sa pag-decongest ng mga pangunahing kalsada at sa pagbibigay ng mas mabilis na koneksyon sa mga lungsod ng Taguig, Makati, Pasay, Parañaque, Las Piñas, Bacoor, at Kawit.
“Malaking bagay ito kasi made-decongest ‘yung mga maliliit na kalsada dahil dito na dadaan [sa expressway]. At yung biyahe na dati isang oras kalahati, magiging 15 minutes na lang. Napakalaking bagay niyan dahil sa savings sa oras ng komyuter,” ani Pangulong Marcos.
Mas mabilis na biyahe: mula 1.5–2 oras, magiging 15 minuto na lang.
Tipid sa gasolina at krudo: malaking tulong sa gitna ng krisis sa langis.
Mas maayos na daloy ng trapiko: mababawasan ang congestion sa Kaingin area.
Mas malawak na koneksyon: direktang access mula Cavite patungong C5 Taguig, Sucat, at Merville.
Suporta sa ekonomiya: mas mabilis na logistics mula Cavite industrial hubs patungong Metro Manila commercial centers.
Kasama ng Pangulo sa pagbubukas sina DOTr Secretary Banoy Lopez, DPWH Secretary Vince Dizon, PRA Chairman Alex Lopez, at MPTC Senior Adviser Jose Maria Lim.
Ayon kay Secretary Lopez, ang bagong segment ay “napaka-timely” dahil sa kasalukuyang krisis sa suplay ng langis. Dagdag pa ni Secretary Dizon, target ng DPWH at DOTr na magbukas ng mas maraming bagong kalsada bago ang Semana Santa upang makatulong sa mga motorista.
Ang 7.7-kilometer Cavitex C5 Link, na itinayo ng Philippine Reclamation Authority (PRA) at Cavitex Infrastructure Corporation (CIC), ay inaasahang magsisilbi sa humigit-kumulang 36,000 motorista araw-araw.
Ang proyektong ito ay magbibigay ng mas episyenteng access patungong NAIA at C5 Road, habang pinapalakas ang ugnayan ng Cavite at Metro Manila para sa mas mabilis na kalakalan at mas matatag na ekonomiya.

