Speaker Dy

Speaker Dy gusto ng joint committee hearings vs Middle East crisis

Mar Rodriguez Mar 30, 2026
73 Views

GUSTO ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na magkaroon ng mga “joint committee hearings” para pag-isahin ang aksyon ng gobyerno at makabuo ng komprehensibong lehislasyon na tutugon sa krisis sa Middle East.

Ayon sa Speaker, ang pangunahing layunin ng joint committee hearing ay upang maikasa ang mga kinakailangang tulong para sa mga mamamayan kasunod ang pagkakaroon ng pangmatagalang resilience sa gitna ng lumalalang krisis.

Sinabi ni Speaker Dy na pagsasamahin ng mga committee hearings ang mga pangunahing executive agencies ng pamahalaan at mga pinuno ng Kamara de Representantes upang magkaisa sa kinakailangang ayuda at legislative package.

Layunin nito na matugunan ang krisis sa maikli, katamtaman at mahabang panahon o isang “long term solution” para maibsan ang krisis na nararanasan ng pagtaas sa presyo ng gasolina.

“We are holding these joint hearings to make sure that initiatives of Legislative branch are coordinated with the Executive and are properly targeted and forward-looking. Ang kailangan natin ngayon ay malinaw na plano,” wika ni Speaker Dy.

Ang mga committee hearings ay isasagawa pagkatapos ng Mahal na Araw at pamumunuan ng mga “cluster” ng mga committees sa Kamara na sumasaklaw sa mga kritikal na sektor na apektado ng krisis.

Kabilang sa cluster ng mga committee ang House Committee on Energy, House Committee on Food and Security, House Committee on Labor, House Committee on Transportation at House Committee on Economic Management.

Layunin din ng joint committee hearings na makipagtulungan ang Kamara sa mga katuwang na executive agencies ng gobyerno upang tukuyin ang mga nararapat na solusyon at direktang marinig mula sa mga economic managers at frontline agencies para magkaroon ng impormasyon.