Socmed Source: PNA file photo

Panawagan na socmed ban para sa menor de edad muling idiniin

227 Views

MATAPOS ipatupad ng Indonesia ang social media ban para sa mga menor de edad na wala pang 16 taong gulang, muling iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian ang pangangailangang magpatupad ng kaparehong polisiya sa Pilipinas.

Ang Indonesia ang unang bansa sa Timog-Silangang Asya na nagbawal sa mga menor de edad na gumamit ng social media. Sa ilalim ng naturang regulasyon, ipagbabawal sa mga menor de edad na wala pang 16 taong gulang ang paglikha at paggamit ng mga account sa mga platform na itinuturing na high-risk, kabilang ang Instagram, TikTok, Facebook, YouTube, X, Roblox, at iba pa.

Matatandaan ding hinimok kamakailan ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center ang mga telco na maghanda para sa posibleng ban ng Roblox sa buong bansa upang maprotektahan ang mga bata mula sa online exploitation at sa nakapipinsalang nilalaman sa naturang platform.

Sinundan din ng panawagan ni Gatchalian ang naging desisyon ng isang jury sa Los Angeles kung saan pinapanagot ang YouTube at Meta dahil sa idinulot nitong social media addiction sa mga kabataan.

Binalikan din ng senador ang resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment, kung saan lumabas na sa bawat dagdag na isang oras ng paggamit ng digital devices ng mga 15-taong-gulang na mag-aaral para sa paglilibang, bumaba ng apat na puntos ang kanilang marka sa math.

“Huwag na nating hayaang lumala pa ang problema bago tayo kumilos,” ani Gatchalian.

Noong 2024, Australia ang naging unang bansa sa mundo na nagbawal ng paggamit ng social media para sa mga menor de edad na wala pang 16 taong gulang. Naging ganap ang naturang ban noong Disyembre 2025.