Manyak

Kelot, 53, kalaboso sa pagmomolestya ng mga menor de edad

Edd Reyes Mar 31, 2026
91 Views

TIMBOG ang 53-anyos na kelot na nahaharap sa ilang bilang na kaso ng pagmomolestiya sa menor-de-edad na biktima Martes ng madaling araw sa Paranaque City.

Sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Paranaque Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Marie Grace Javier Ibay ng Branch 194, inaresto ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Randy Arceo si alyas “Leonilo” dakong ala-1:04 ng madaling araw sa Carmen Village, Brgy. San Isidro, Paranaque.

Nahaharap ang akusado sa tatlong bilang na kasong Rape by Sexual Assault, dalawang bilang na Statutory Rape, at isang bilang na Acts of Lasciviousness na pawang may kaugnayan sa R.A. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act dahil wala pa sa hustong gulang ang kanyang minanyak.

Walang inirekomendang piyansa ang hukuman sa dalawang bilang na kasong Statutory Rape habang may inilaang piyansa na P180,000 kada bilang sa kasong Rape by Sexual Assault at P200,000 sa Acts of Lasciviousness para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Sinabi ni Paranaque police chief P/Col. Nicolas Pinon na pansamantala nilang ipiniit sa kanilang custodial facility ang akusado habang hinihintay pa ang commitment order na ilalagas ng korte para sa paglilipat sa kanya sa pangangalaga ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).