Rider

Delivery rider nagpanggap na hinoldap para pagtakpan nawawalang koleksyon

270 Views

ARESTADO ang isang 50-anyos na delivery rider matapos umano nitong magpanggap na hinoldap upang pagtakpan ang nawawalang koleksyon.

Kinilala ni PBGen. Randy Glenn Silvio ang suspek na si alias “Eduardo,” residente ng Brgy. Pinagkaisahan, Quezon City.

Sa ulat, alas-10:40 ng gabi noong Marso 29 nang magtungo ang suspek sa Kamuning Police Station 10 at iniulat na hinoldap umano siya sa No. 96 Kamuning Road, Brgy. Kamuning.

Ayon sa kaniya, tinangay ng dalawang suspek na sakay ng itim na NMAX at nakasuot ng jacket at full-face helmet ang halagang P18,500 bago tumakas patungong EDSA.

Gayunman, sa isinagawang beripikasyon ng mga operatiba sa CCTV footage sa lugar, walang naitalang naganap na holdap.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, iniulat ng supervisor ng isang courier company na hindi umano na-remit ng suspek ang kanyang koleksyon at ginamit ito sa pansariling pangangailangan.

Dahil dito, agad na inaresto ang suspek ng mga operatiba ng PS-10 sa ilalim ng pamumuno ni PLTCOL Zachary Capellan.

Nahaharap ang suspek sa kasong estafa at perjury na inihain sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Binigyang-diin ni Silvio na pananagutin ng pulisya ang sinumang magsisinungaling at manlilinlang upang makaiwas sa batas.