Kuryente Source: File photo

‘Jumper’ boy nakitang patay, nakasabit sa kable ng poste

147 Views

PATAY ang isang 32-anyos na lalaki matapos magnakaw umano ng kable sa poste, makuryente at sumabit sa mga kable ng poste sa Quezon City, Lunes ng umaga.

Sa ulat, alas-7:50 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng biktima na nakasabit sa mga kable ng isang electric post sa kanto ng Ilang-ilang at Dahlia Street.

Ayon sa imbestigasyon, huli umanong nakita ang biktima ng kanyang live-in partner bandang alas-9:00 ng gabi ng Abril 5 bago umalis ng kanilang bahay sakay ng motorsiklo.

Naalerto ang mga opisyal ng barangay matapos may concerned citizen na nakakita sa katawan ng biktima sa poste. Agad rumesponde ang mga tauhan ng rescue kabilang ang QCDRRMO at Bureau of Fire Protection upang maibaba ang bangkay.

Nagsagawa naman ng imbestigasyon ang SOCO team ng QCPD Forensic Unit at napag-alamang may mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima.

Dinala ang labi sa punerarya para sa autopsy upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagkamatay.

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.