Calendar
Source: QCPD PIO
Driver nawalan ng kontrol sa tractor head, sumalpok sa pader, sugatan
SUGATAN ang isang 53-anyos na driver matapos mawalan ng kontrol ang minamaneho nitong tractor head na may trailer at sumalpok sa pader ng Katipunan Avenue Tunnel (southbound) Sabado ng gabi.
Batay sa ulat, binabagtas ng driver na nakilalang si alyas “Carlos” ang bahagi ng tunnel mula Aurora Boulevard patungong E. Rodriguez Jr. Avenue nang bigla itong mawalan ng kontrol bandang alas-6:00 ng gabi dahil sa madulas na kalsada. Dahil dito, bumangga ang unahang kaliwang bahagi ng sasakyan sa gilid ng tunnel.
Nagtamo ng pinsala ang driver habang nasira rin ang sasakyan at mismong istruktura ng tunnel.
Agad namang rumesponde ang Quezon City Police District (QCPD) at mga tauhan ng Police Station 8, kasama ang DTEU Traffic Sector 3.
Nagsagawa rin ng clearing operations ang mga awtoridad katuwang ang Bureau of Fire Protection (BFP), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at iba pang ahensya. Tuluyang naalis ang sasakyan bandang alas-10:10 ng gabi, dahilan para muling maging maayos ang daloy ng trapiko.
Paalala ng QCPD sa mga motorista: magdoble-ingat sa pagmamaneho, lalo na sa madudulas na kalsada—magbagal, panatilihin ang distansya, at maging alerto sa daan upang makaiwas sa aksidente.

