BFP

QCPD, BFP nasabat tanker na may 10K litro ng diesel sa QC residential area

276 Views

NASABAT ng Quezon City Police District (QCPD) katuwang ang Bureau of Fire Protection (BFP) ang isang tanker na may tinatayang 10,000 litro ng diesel sa isang residential area sa Scout Castor Street, Barangay Sacred Heart.

Namataan ang tanker na nakaparada sa tapat ng bahay noong Sabado ng gabi. Ayon kay BFP officer-in-charge Chief Supt. Wilbero Rico Neil Kwan Tiu, rumesponde ang Quezon City Fire District at Station 10 ng pulisya matapos makatanggap ng ulat hinggil sa umano’y ilegal na aktibidad na may kinalaman sa flammable liquids.

Agad na in-impound ang tanker dahil sa kawalan ng permit at fire safety requirements. Babala ng BFP, delikado ito at maaaring magdulot ng sunog o pagsabog lalo kung mali ang paghawak o pag-unload ng langis.

Iniimbestigahan na rin ng Department of Energy ang insidente dahil sa posibleng hoarding o economic sabotage, lalo na sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis.

Sa kasalukuyan, hindi pa matukoy ang may-ari ng kargamento; ang driver lamang ang naimbestigahan at pinapagsumite ng mga dokumento sa Quezon City Fire District.

Ayon kay Barangay Chairwoman Camille Malig-David, hindi alam ng barangay ang tungkol sa tangke dahil bakante at ibinebenta ang property.

Nagpahayag naman ang mga residente na magsusumite ng petisyon sa Quezon City local government unit upang tutulan ang ilegal na imbakan ng diesel sa kanilang lugar.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente.