Pampublikong transportasyon sa metro maayos, tuloy-tuloy — LTFRB

Jun I Legaspi Apr 7, 2026
84 Views

TINIYAK ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa pangangasiwa ng Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ang maayos at tuloy-tuloy na pampublikong transportasyon sa Metro Manila at iba pang pangunahing lungsod sa bansa sa pamamagitan ng service contracting program para sa mga pampublikong sasakyan (PUVs) na magsisimula sa Abril 15, 2026.

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na programa ng pambansang pamahalaan upang magbigay ng kinakailangang tulong sa mga komyuter at sa sektor ng pampublikong transportasyon sa gitna ng epekto ng tensyon sa Gitnang Silangan.

“Ang mga lugar ng operasyon ng service contracting para sa land-based public transportation ay nakabatay sa pagsusuri ng datos sa dami ng pasahero at konektividad sa mass transport system,” ani Chairman Mendoza.

Saklaw sa Metro Manila

• EDSA Bus Carousel
• Mga modernong at tradisyunal na jeepney na may rutang dumaraan sa LRT/MRT stations at pangunahing transport hubs

Pinili ang mga rutang ito upang:

• Palakasin ang konektividad sa rail systems
• Serbisyuhan ang mga rutang may mataas na demand
• Pagandahin ang kabuuang mobilidad ng mga komyuter
• Mabawasan ang matinding trapiko sa mga pangunahing lugar

Saklaw sa Ibang Lungsod

Sa mga urban area gaya ng Davao City at Cagayan de Oro City, ipatutupad ang programa sa piling ruta batay sa dami ng pasahero at iba pang salik na nakaaapekto sa maayos na biyahe ng mga komyuter.

“Pinili ang mga rutang ito upang masulit ang limitadong pondo, suportahan ang mga rutang may mataas na ridership, at matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo sa mga pangunahing lungsod sa labas ng Metro Manila,” dagdag ni Mendoza.

Mga Karagdagang Suporta ng Pamahalaan

Kasabay ng service contracting, nagpapatuloy ang:

• Pamamahagi ng fuel subsidy para sa PUVs
• Pagbawas ng toll fees sa mga pangunahing expressway

Ayon kay Secretary Lopez, sisimulan ang programa sa Abril 15.

“Tinitiyak ng inyong pamahalaan ang patuloy na pagbibigay ng kinakailangang tulong upang maibsan ang epekto ng tensyon sa Gitnang Silangan, lalo na sa mga komyuter at sa sektor ng pampublikong transportasyon,” ani Mendoza.

Ang programa ay pinondohan sa ilalim ng General Appropriations Act ng 2026 at ipatutupad sa lalong madaling panahon.