Kiko

Sen. Kiko hiniling paggamit ng appropriations sa agrikultura, pangingisda

89 Views

NANAWAGAN si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan sa paggamit ng mga appropriations para sa mga programa sa agrikultura at food security.

Nanawagan din ang senador para sa mas matibay na pakikipagtuwang sa pribadong sektor upang mapalakas ang lokal na food systems sa gitna ng sigalot sa Gitnang Silangan.

Inilahad ni Pangilinan ang panukala sa pagdinig ng komite noong Miyerkules at sinabi na nagdudulot ng banta ang sigalot sa global supply chains na maaaring higit pang makaapekto sa food systems dahil sa pagtaas ng presyo ng fuel, fertilizer at iba pang imported commodities.

Sinabi niya na dapat kumilos ang pamahalaan upang magamit ang mga pondong nakalaan sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act at iba pang posibleng mapagkukunan upang tugunan ang tumataas na gastusin sa sektor ng agrikultura at pangisdaan.

Ayon kay Pangilinan, maaaring magsilbing isa sa mga posibleng mapagkukunan ng pondo ang national disaster o calamity funds upang mapabilis ang pag-abot ng tulong sa mga magsasaka at mangingisda.

Hindi dapat malimitahan sa cash assistance ang tugon kundi dapat ding may fuel at fertilizer subsidies para sa mga magsasaka at mangingisda, ayon sa senador.

“We are taking a holistic approach to addressing a possible food shock—bringing together manufacturers, food producers and all those involved in agriculture, industry, and fisheries production, because all are part of the value chain,” sari ni Pangilinan.

Iginiit din ng senador ang mas matibay na pakikipagtuwang sa pribadong sektor at sinabing makatutulong ang public-private cooperation upang mapalawak ang mga solusyon sa market access, food distribution, at income generation ng mga magsasaka at mangingisda.