Lacson

Flood control project hearing ipinagpaliban sa Abril 14

286 Views

IPINAGPALIBAN ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagdinig sa Abril 14 kaugnay ng mga umano’y maanomalyang flood control projects habang hinihintay ang pagsusumite ng sinumpaang salaysay ni dating Gov. Luis “Chavit” Singson at ang kailangang mga pirma para sa partial committee report.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, maaaring muling ipatawag sa pagdinig kung makapagsusumite si Singson ng kahit kopya man lamang ng kanyang draft affidavit at kung may lima pang miyembro ng komite ang lalagda sa partial committee report upang maiprisinta ito sa plenaryo ng Senado.

Sa liham kay Singson, sinabi ni Lacson na nakita ng komite na kinakailangang ipagpaliban ang pampublikong pagdinig hanggang sa susunod na abiso dahil sa umiiral na National Energy Emergency.

Sinabi ni Lacson na binigyan ng Blue Ribbon Committee si Singson hanggang Abril 7 para isumite ang kanyang draft affidavit ngunit wala itong natanggap na tugon.

Unang ipinadala ang imbitasyon kay Singson noong Marso 25. Nang walang naging sagot, nagpadala ang komite ng kopya ng liham ng imbitasyon sa kanyang tirahan noong Abril 6. Ang liham ng pagpapaliban ay ipinadala kay Singson noong Abril 7.

Ipinunto rin ni Lacson na apat pa lamang na miyembro ang lumagda sa partial committee report kulang ng lima upang maabot ang siyam na lagda na kinakailangan upang makabuo ng mayorya at maiprisinta ito sa plenaryo.

Sinabi ni Lacson na ikinokonsidera niyang maghain ng Chairman’s Report kaugnay ng isyu sa flood control projects at ipasa ito sa Ombudsman kasama ang mga dokumento, transcript at iba pang ebidensyang nakalap sa hindi bababa sa pitong pagdinig.