Calendar
Driver na ‘nang-harass ‘ kay Xyriel maaaring makulong sa paglabag sa batas
KINONDENA ni Sen. Risa Hontiveros ang umano’y pangha-harass kay Xyriel Manabat at may malaswa pang pahayag ang TNVS driver sa kanyang post online.
Ayon sa senadora, may proteksyon ang mga biktima sa mga ganitong sitwasyon sa ilalim ng Safe Spaces Act.
Sinabi ni Hontiveros na malinaw na paglabag ito sa batas at binigyang-diin na bawal ang sexual harassment pribado man, sa kalsada, sa loob ng sasakyan, o online.
Idinagdag niya na maaaring managot ang driver sa “gender based online sexual harassment,” na may katapat na pagkakakulong o multa sa ilalim ng Safe Spaces Act.
May pananagutan din ang mga driver ng TNVS at PUV na panatilihing ligtas ang kanilang mga pasahero at umaksyon kapag may nang-aabuso.
Iginiit din niya na ang pagiging public figure ay hindi pahintulot para bastusin ang sinuman.
Humingi na ng paumanhin ang Grab Philippines kay Manabat at sinabing inilagay na sa preventive suspension ang driver-partner habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Inilarawan ng kumpanya ang iniulat na asal bilang grave violation at bannable offense sa ilalim ng kanilang driver guidelines.
“Huwag tayong manahimik o magbulag-bulagan sa harassment tulad nito. Respect is the bare minimum and should be non-negotiable,” ani Hontiveros.

