Ridon

Hinamon ni Chair Ridon si VP Sara: Sagutin mga paratang sa Kamara ayon sa merito

79 Views

HINAMON ni House Committee on Public Accounts Chairperson Terry L. Ridon ng Bicol Saro Party-list noong Linggo si Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte na personal na humarap sa nagpapatuloy na impeachment proceedings sa harap ng House Committee on Justice at direktang sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya, sa halip na umasa sa mga procedural objection at paulit-ulit na petisyon sa Korte Suprema (SC).

Ayon kay Ridon, na isa ring abogado at miyembro ng House Committee on Justice, ang kasalukuyang proseso ng impeachment ang mismong forum na matagal nang hinihingi ng Pangalawang Pangulo—ang pagkakataong marinig at maipagtanggol ang sarili laban sa mga paratang.

“Ito na ang pagkakataon ng Pangalawang Pangulo upang patunayan ang kanyang sinasabing inosente siya. Narito na ang tamang forum upang marinig ang kanyang panig at maharap niya nang direkta ang mga alegasyon laban sa kanya,” ani Ridon.

Binigyang-diin niya na ang mga pagdinig sa Kamara ay hindi pa isang paglilitis, kundi isang konstitusyonal na paunang imbestigasyon upang matukoy kung may sapat na basehan upang iakyat ang kaso sa Senado para sa trial.

“Hindi pa ito paglilitis. Preliminary investigation pa lamang ito ng Kamara upang alamin kung may sapat na basehan ang mga reklamong inihain laban sa kanya. Ang aktwal na trial ay sa Senado pa lamang mangyayari,” paliwanag niya.

Sinabi ni Ridon na kung tunay na may sagot ang Pangalawang Pangulo sa mga alegasyon kaugnay ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, at mga umano’y banta laban sa Pangulo, dapat niya itong iharap sa Komite sa halip na umasa sa mga teknikal na usapin.

“Kung may sagot siya sa mga alegasyon, ilahad niya. Kung may depensa siya, ipakita niya. Kung may paliwanag siya sa confidential funds, SALN, tax records, at financial documents, sabihin niya sa taumbayan,” ani Ridon.

Binatikos din niya ang umano’y patuloy na pag-asa ng Pangalawang Pangulo sa mga teknikalidad sa halip na magbigay ng substantibong depensa.

“Tama na ang pagtatago sa likod ng mga teknikalidad at sunod-sunod na petisyon upang pigilan ang proseso. Ang tunay na tanong dito ay simple lamang: masasagot ba niya ang mga alegasyon o hindi?,” aniya.

Dagdag pa ni Ridon, ang Pangalawang Pangulo mismo ang humiling noon ng due process at pagkakataong marinig, at ito ay ibinibigay na ngayon ng Kamara.

“Siya mismo ang humiling noon ng pagkakataong marinig at mabigyan ng due process. Ibinibigay na iyon ngayon ng Kamara. Walang dahilan upang hindi siya humarap,” dagdag niya.

Iginiit niya na ang House Committee on Justice ay kumikilos alinsunod sa mandato ng Konstitusyon, at ang lahat ng proseso ay isinasagawa batay sa Saligang Batas, House Rules on Impeachment, at umiiral na jurisprudence.

“Ginagawa lamang ng Kamara ang mandato nito sa ilalim ng Konstitusyon—ang siyasatin kung may sapat na basehan ang impeachment complaints at kung dapat ba itong umusad sa Senado,” ani Ridon.

Ayon pa kay Ridon, magpapatuloy ang proseso anuman ang maging partisipasyon ng Pangalawang Pangulo.

“Magpapatuloy ang proseso. Ngunit habang patuloy siyang umiiwas sa pagharap at pagsagot sa mga alegasyon, lalo lamang lumalakas ang impresyon na ang kanyang depensa ay nakasalalay sa delay at teknikalidad—hindi sa ebidensya,” aniya.