Just In

Calendar

May 2026
M T W T F S S
 123
45678910
11121314151617
18192021222324
25262728293031
Sandro

Inihain ang KALINGA Act upang protektahan ang mga Pilipino vs pagtaas ng presyo ng langis

175 Views

HouseHABANG patuloy na tumitindi ang tensyon sa Middle East na nagtutulak pataas sa pandaigdigang presyo ng langis, kumilos ang mga lider ng Kamara upang gawing institusyon ang isang pambansang sistema ng proteksyon na titiyak na hindi mapapasan ng mga Pilipino ang buong bigat ng panibagong krisis na dulot ng pagtaas ng presyo ng krudo.

Inihain nina Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos ang House Bill (HB) No. 8834 o ang KALINGA Act, isang panukalang naglalayong tiyakin ang mabilis, target, at awtomatikong tugon ng pamahalaan kapag ang pagtaas ng presyo ng gasolina ay nagsisimulang magpataas ng gastusin sa pamumuhay.

Higit pa sa simpleng ayuda, itinatag ng KALINGA Act ang isang pambansang balangkas ng proteksyon na magbibigay-daan sa pamahalaan na kumilos nang maagap, matatag, at magkakaugnay—bago pa lumala ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa pamasahe, pagkain, kuryente, at iba pang pang-araw-araw na gastusin.

“Isang galaw lang sa presyo ng langis, lahat tumataas—pamasahe, pagkain, kuryente. Hahanapan ng Kongreso at pamahalaan ng solusyon ang sitwasyon,” ani Marcos. “Sa KALINGA Act, may malinaw na sistema—may trigger, may aksyon, may tulong.”

Sa sentro ng panukala ang KALINGA Program, isang whole-of-government response system na awtomatikong maa-activate kapag may mga babalang senyales tulad ng matinding pagtaas ng presyo ng langis, hindi pangkaraniwang inflation, kakulangan sa suplay ng fuel, o deklarasyon ng national energy emergency.

“Hindi ito ayuda lang. Ito ay proteksyon,” diin ni Marcos. “Kapag tumaas ang presyo, automatic ang tulong.”

Saklaw ng KALINGA Program ang mga sumusunod:

Komponent ng Pagpapatatag ng Presyo ng Fuel
Komponent ng Suplay, Seguridad, at Pamamahala ng Imbentaryo ng Enerhiya
Komponent ng Targeted Assistance
Komponent ng Pagpapatatag ng Presyo ng Mahahalagang Bilihin at Logistics
Komponent para sa Energy Relief at Business Continuity ng MSMEs
Komponent ng Pagtitipid sa Enerhiya at Pagbawas ng Konsumo
Komponent ng Flexible Fiscal at Regulatory Measures

Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga mahihinang sektor tulad ng mga low-income households, kulang sa trabaho, mga tsuper ng pampublikong sasakyan, magsasaka, mangingisda, MSMEs, OFWs, at iba pang matutukoy batay sa pagsusuri ng KALINGA Inter-Agency Task Force.

Ang panukala ay naglalatag ng komprehensibong sistema upang tugunan ang inflation na dulot ng fuel at tiyakin ang matatag na suplay.

Sa ilalim ng Fuel Price Stabilization Component, inaatasan ang pamahalaan na magpatupad ng mga hakbang tulad ng fuel subsidies para sa transport, agrikultura, at logistics; pansamantalang pagbabawas o pagsuspinde ng excise tax sa petrolyo; at iba pang mekanismo upang mapanatiling matatag ang presyo.

Sa Energy Supply at Security Component, titiyakin ang sapat na suplay ng langis at enerhiya sa pamamagitan ng mga kasunduang supply, diversification ng import sources, at pagpapanatili ng sapat na imbentaryo.

Sa Targeted Assistance Component, magbibigay ng direktang tulong tulad ng cash aid, fuel subsidy, at tulong sa pamasahe para sa mga apektadong sektor.

Sa Essential Goods at Logistics Component, susuportahan ang distribusyon ng pagkain at iba pang pangunahing bilihin upang mapanatili ang suplay at presyo.

Isinasama rin ang MSME Energy Relief Component upang maiwasan ang pagsasara ng negosyo at pagkawala ng trabaho sa pamamagitan ng pautang, tax deferment, at subsidiya.

Sa Energy Conservation Component, itinataguyod ang work-from-home setup, carpooling, at paggamit ng alternatibong enerhiya upang mabawasan ang konsumo.

Samantala, pinapayagan ng Flexible Fiscal Measures ang pansamantalang pagbabawas ng buwis at bayarin, at pagpapatupad ng mga hakbang laban sa hoarding at profiteering.

Mayroon ding mga automatic trigger mechanism ang panukala, gaya ng matinding pagtaas ng global oil prices, 30% pagtaas ng lokal na presyo ng fuel sa loob ng 30 araw, mataas na inflation, kakulangan sa supply, o deklarasyon ng energy emergency.

Sa ilalim ng panukala, bibigyan ang Pangulo ng emergency powers upang ipatupad ang programa, kabilang ang realignment ng pondo, emergency procurement, at pansamantalang pagbabawas ng buwis. Ang mga kapangyarihang ito ay magtatapos 60 araw matapos maging epektibo ang batas maliban kung palawigin ng Kongreso.

Lilikha rin ng KALINGA Inter-Agency Task Force na mangangasiwa sa implementasyon, na pamumunuan ng Executive Secretary at mga kalihim ng Energy at Finance, kasama ang iba pang pangunahing ahensya ng pamahalaan.

Ayon kay Marcos, nakaayon ang panukala sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang mas mabilis at episyenteng aksyon ng gobyerno sa panahon ng pandaigdigang krisis.

“Ang layunin nito ay simple: siguraduhin na kapag may krisis, hindi naiiwan ang Pilipino,” ani Marcos. “Hindi na tayo maghihintay na lumala ang sitwasyon bago kumilos.”

Sa pamamagitan ng malinaw na sistema at koordinadong aksyon, titiyakin ng KALINGA Act na ang tulong ay maibibigay sa tamang oras, sa sapat na lawak, at sa mga higit na nangangailangan.

“Sa KALINGA, walang Pilipinong maiiwan—lalo na sa oras na pinakamabigat ang laban,” dagdag pa ni Marcos.