Sara Source: OVP

Panawagan ni Chair Ridon kay VP Sara: Humarap sa pagdinig sa Abril 14, hindi sa press briefing

87 Views

HINIMOK ni HOUSE Committee on Public Accounts Chair Terry L. Ridon ng Bicol Saro Party-list noong Linggo si Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte na personal na dumalo sa pagdinig ng impeachment sa Abril 14, at iginiit na ang tamang lugar upang sagutin ang mga alegasyon at kwestyunin ang testigo na si Ramil L. Madriaga ay ang House Committee on Justice—hindi ang mga media briefing.

Sa pakikipag-usap sa mga mamamahayag, minaliit ni Ridon ang mga pahayag ni Atty. Salvador Panelo, na naunang nagsabing si Madriaga umano ang “pinakamahinang bahagi” at maaaring mabuwag ang testimonya nito sa pagtatanong.

“Well una po sa lahat, sino ba si Atty. Panelo dito sa impeachment proceedings. Si Atty. Panelo ay abogado lang po ng Vice President sa kanyang perjury case kaya hindi ko po nakikitang may kapangyarihan siyang magkomento sa takbo ng depensa sa usaping ito,” ani Ridon.

“Ang dapat po nagsasalita diyan ay miyembro ng Duterte Defense Panel sa impeachment proceedings, hindi po ‘yung abogado… para sabihin niya na weakest link si Mr. Madriaga,” dagdag niya.

Binigyang-diin ni Ridon na kung naniniwala ang kampo ng Pangalawang Pangulo na mahina ang testimonya ni Madriaga, ang tamang hakbang ay hindi press conference kundi direktang paglahok sa pagdinig.

“Kung sinasabi ho nila na weakest link ho si Mr. Madriaga, ang remedyo rito hindi po ‘yung press con kundi ‘yung April hearings,” ani Ridon.

Dagdag pa niya, ang mga pahayag sa publiko bago ang pagdinig ay maaaring pagtatangkang impluwensyahan ang pananaw ng publiko.

“Ayon nga po kay Atty. Panelo, nagpapatawag sila ng press con ngayong araw na ito para maunahan ang magaganap na April 14 proceedings—baka may maniwala,” ani Ridon.

Para kay Ridon, mas mahalagang hakbang ang pagharap mismo ni Duterte at paglalahad ng kanyang depensa.

“Ang pinakamahalaga at pinakamabigat… para pasinungalingan ang sinasabi ni Mr. Madriaga ay ang pagharap ng pangalawang pangulo sa April 14 House impeachment hearings,” aniya.

“Hindi po sa pamamagitan ng isang press conference ng kanyang abogado… dahil iyon ang tamang plataporma upang maipahayag ng ating pangalawang pangulo ang kanyang depensa laban sa mga paratang,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Ridon na ang pagdinig ay magbibigay kay Duterte ng pagkakataong direktang kwestyunin ang kredibilidad ni Madriaga.

“Ibig sabihin, kung totoo ba o hindi ito, puwede niyang gawin sa April 14 upang wasakin ang kredibilidad ni Ginoong Madriaga,” aniya.

Tinanggihan din ni Ridon ang mga alegasyong may kinikilingan ang House Committee on Justice laban sa Pangalawang Pangulo.

“Alam po ninyo, ang House Justice Committee ay ginagampanan lamang ang mandato nito sa impeachment… dahil ito ang itinatadhana ng ating Konstitusyon, mga alituntunin, at umiiral na jurisprudence,” ani Ridon.

“Kaya nga ang panawagan natin: humarap ang ating pangalawang pangulo, ilatag niya roon ang kanyang depensa laban kay Mr. Madriaga at hindi sa press conference ng kanyang abogado,” dagdag niya.

Tungkol naman sa mga puna na kulang sa detalye ang affidavit ni Madriaga, sinabi ni Ridon na walang pumipigil sa sinuman na maglinaw o magdagdag ng detalye.

“Wala pong pumipigil sa kahit sino… na magdagdag ng detalye upang maipakita ang aktwal na katotohanan ng mga paratang,” aniya.

Kasabay nito, binanggit din ni Ridon ang posibleng implikasyong legal kung haharap si Duterte sa komite.

“Sa sandaling humarap ang pangalawang pangulo, ang kanyang kaso sa Korte Suprema ay maaaring maging moot,” aniya, at ipinaliwanag na maaaring ituring itong pagkilala sa hurisdiksyon ng komite.

“Bagama’t malaya ang ating pangalawang pangulo na humarap… mabibigyan siya ng lahat ng kanyang karapatan. Ngunit sa usapin ng legal strategy, kikilalanin niya ang hurisdiksyon ng House Committee on Justice,” paliwanag niya.

Tinapos ni Ridon ang kanyang pahayag sa panibagong panawagan kay Duterte na makilahok sa proseso, at iginiit na bukas ang mga pagdinig para sa kanyang depensa.

“Bukas ang House impeachment hearing para sa ating Vice President… may karapatan siyang maglahad ng kanyang ebidensya sa araw na iyon at sa mga susunod pang pagdinig,” dagdag ni Ridon.