Cayetano

Sen. Alan Peter nanawagan ng mabilis na aksyon vs krisis

68 Views

GUSTO ni Sen. Alan Peter Cayetano ng mas maagap na paghahanda ng pamahalaan sa mga krisis at sinabing kailangan ang tamang datos, masusing pagbabalik-aral, at maagang pagkilos bago pa lumaki ang problema.

Sinabi ni Cayetano na mas nagiging epektibo ang pamamahala kung bago pa tuluyang lumala ang sitwasyon ay natutukoy na ang mga posibleng panganib at napaghahandaan na ang mga dapat gawin.

“Alam natin na kung hindi man crisis, y’ung potential for crisis [naroon.] That’s why maraming bansa [ang] nag-create ng separate crisis committee kasi you have to continue governing, but you also have to have your contingency plans and the actual reaction whether relief iyan or on-the-spot reforms,” sabi ni Cayetano.

Mahalaga ang “review and rewind” sa pagharap sa mga krisis upang hindi na maulit ang mga dating pagkakamali at hindi na lumaki pa ang suliranin, Ayon sa senador.

Nagbabala rin si Cayetano na kapag mali ang mga impormasyong pinagbabatayan, mali rin ang magiging mga konklusyon at maaaring hindi tumugma sa aktwal na kalagayan ang mga tugon sa krisis.

Ayon kay Cayetano, dapat ding nakaayon sa aktwal na sitwasyon sa bawat lugar ang paghahanda ng pamahalaan dahil magkakaiba ang hamon sa iba’t ibang rehiyon.

“Hindi pwedeng ‘one size fits all’… kailangan personalized iyan. Kailangan nakatutok iyan sa sitwasyon ng lugar,” sabi niya.

Bagama’t sinabi niyang unti-unting gumaganda ang pagtugon ng gobyerno sa krisis, idinagdag niyang inaasahan ng mga tao ang mas koordinado at komprehensibong paraan ng pagkilos.

Hinimok din niya ang mga Pilipino na makibahagi sa pagpapalakas ng kultura ng paghahanda.