Calendar
Sen. Loren nanawagan ng mabilis na aksyon ng govt sa panahon ng krisis
NANANAWAGAN si Sen. Loren Legarda ng mas mabilis na tugon ng pamahalaan upang maihatid ang pagkain sa merkado, mabawasan ang pagkalugi at matulungang makaraos ang mga pamilyang apektado ng krisis na pinalalala ng pagtaas ng presyo ng mga petroleum products.
Sinabi ng senador na inilatag ng Department of Agriculture ang mga umiiral nitong programa ngunit nabigong magharap ng malinaw at may takdang panahong plano para tugunan ang krisis.
“What is your action plan, your contingency plan? We are already six weeks into this crisis. We don’t want to hear that you are still planning,” sabi ni Legarda sa pagdinig sa Senado.
Tinukoy niya ang datos mula sa Samahang Industriya ng Agrikultura na nagpapakitang maraming maliliit na mangingisda sa Cavite, Bataan, Zambales, at Pangasinan ang hindi na pumapalaot dahil malaking bahagi ng kanilang gastos ang napupunta lang sa krudo.
Itinuro rin ni Legarda ang sitwasyon sa Benguet kung saan natutuyo na lamang ang mga pananim at tinanong kung may naibigay bang sasakyan o subsidiya sa gasolina at kung may crop mapping ba upang direktang maiugnay ang mga magsasaka sa merkado.
Maaaring kumilos ng mas mabilis ang pamahalaan sa pamamagitan ng paggamit ng mga pondong maaari ng ilaan para sa tulong sa transportasyon at gasolina, pagpapatupad ng cold chain, crop mapping at emergency procurement, sabi ng senador.
Idinagdag niya na may mga pondong maaaring gamitin sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act kabilang ang continuing appropriations na maaaring i-realign para sa agarang interbensyon.
Bilang agarang hakbang, sinabi ni Legarda na maaaring gamitin sa paghakot ng mga produktong agrikultural ang mga sasakyan ng gobyerno na hindi gaanong nagagamit dahil sa austerity measures habang maaaring kunin sa Maintenance and Other Operating Expenses ang pondo para sa gasolina at iba pang logistics.

