Calendar
Proteksyon sa consumers pinagtitibay ng Kongreso
PINAGTITIBAY ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang proteksiyon sa mga consumers sa pamamagitan ng “Fuel Price Shield” sa ilalim ng panukalang KALINGA.
Binigyang diin ni Speaker Dy na ang pangunahing layunin sa isinusulong na KALINGA Act sa ilalim ng House Bill No. 8834 ay ang pagbibigay ng proteksyon sa mamamayan kaugnay sa pagtaas sa presyo ng langis.
Sinabi ni Dy na kasabay nito ang paghahanda ng Kamara para sa bagong serye ng Congressional hearing ngayong linggo matapos ihayag ni US President Donald Trump na magpapatupad ang Amerika ng blockade sa Strait of Hormuz bunsod ng hindi pagkakasundo sa usapin para matapos ang hidwaan nito sa Iran.
Ayon kay Dy, ang mga kaganapan sa Strait of Hormuz ay isa sa pinakamahalagang ruta ng barkong may dalang langis sa mundo na nagpapakita ng pangangailangan para sa gobyerno na maghanda ng mga polisiya dahil sa pabago-bagong presyo ng krudo.
Kasama ni Speaker Dy si House Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos sa paghahain ng HB No. 8834 na nagtatatag ng programang KALINGA Act o ang komprehensibong Alalay sa Livelihood, Inflation, Negosyo and Goods Assistance (KALINGA).
Ipinaliwanag ng House Speaker na ito ay isang sentralisadong balangkas na dinisenyo upang pagaanin ang mga epekto ng inflation dulot ng presyo ng langis habang tinitiyak ang supply ng enerhiya at mga pangunahing bilihin.

