Calendar
Ayuda ksa mga driver hiniling na bilisan
HINIMOK ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga ahensya ng transportasyon na ayusin ang listahan ng mga driver ng public utility vehicle at bumuo ng isang centralized at automated na database, at sinabing kailangan ang mas mabilis at mas maaasahang sistema upang makarating ang fuel subsidy sa mga tamang benepisyaryo.
Sinabi ni Gatchalian na dapat magsumite ang Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board ng konkretong plano para sa isang database na kayang magberipika ng pagkakakilanlan ng mga driver at magbawas ng pagdepende sa pisikal at mano-manong pagsusumite ng mga operator, na aniya ay nagpapabagal sa paglalabas ng ayuda.
“Napakatagal. I find it so slow. You have to find a way to make sure that our drivers get the subsidy. Kung patay na ang kabayo, ano pa’ng gagawin natin sa fuel subsidy?” aniya sa isang kamakailang pagdinig ng Senate PROTECT Committee.
Batay sa datos na binanggit ng kanyang opisina, target ng Fuel Subsidy Program ang halos 1.43 milyong benepisyaryo sa sektor ng transportasyon, kabilang ang tinatayang 1.18 milyong operator at humigit-kumulang 245,000 driver sa buong bansa.
Noong Abril 8, 200,982 pa lamang ang nakatatanggap ng ayuda mula sa target na 1,425,669, katumbas ng 14.1 porsyentong accomplishment rate. Sa mga nakatanggap na ng tulong, 15.6 porsyento ay mga operator at 6.8 porsyento ay mga driver.
Idinagdag ni Gatchalian na pagsapit ng Abril 13, 45 porsyento pa lamang ng mga target na benepisyaryo ang nakatatanggap ng tulong pinansyal, bagay na aniya ay nagpapakita ng pangangailangan para sa isang mas updated at mas mapagkakatiwalaang sistema sa pagtukoy ng mga kuwalipikadong tatanggap.
Sa panawagan ni Gatchalian, binigyang-diin niya ang pangangailangang mapabilis ang pagdating ng ayuda sa mga manggagawa sa transportasyon habang patuloy na naaapektuhan ng mataas na presyo ng krudo ang araw-araw nilang operasyon.

