DS Ortega

Hinimok ni DS Ortega si VP Sara na isauli ang P73M na disallowed funds upang maipakita ang pananagutan

56 Views

HINIMOK noong Huwebes ni impeachment endorser at Deputy Speaker na si Paolo Ortega V ng La Union si Bise Presidente Sara Duterte na isauli ang P73.287 milyong confidential expenses na hindi pinayagan ng Commission on Audit (COA), na aniya’y magpapakita ng pananagutang inaasahan sa isang lingkod-bayan.

Ayon kay Ortega, lumampas na ang isyu sa usapin ng papeles at mga apela, at nangangailangan na ngayon ng malinaw na aksyon ng pananagutan.

“Kung talagang nais ni VP Sara na ipakita ang kanyang accountability bilang public servant, mas mabuting isauli na lang ang pondong ipinapabalik ng COA. Dapat siyang managot sa pera ng bayan na ipinagkatiwala sa kanya at kilalanin kung saan nagkulang sa proseso,” ani Ortega sa isang pahayag.

Tinukoy ng lider ng Kamara ang pagpapatibay ng COA sa Notice of Disallowance No. 2024-002-100 na sumasaklaw sa confidential expenses ng Office of the Vice President mula Disyembre 21 hanggang 31, 2022.

Sa pagdinig ng House Committee on Justice noong Abril 14, tumestigo ang mga opisyal ng COA na tinanggihan ang apela na inihain ni Duterte at iba pang opisyal ng OVP. Ayon din sa audit body, kapag naging pinal ang desisyon, kailangang isauli sa pamahalaan ang halagang hindi pinayagan.

Saklaw ng halagang ito ang P69.787 milyon para sa mga reward at P3.5 milyon para sa gastusin sa kagamitan, kabilang ang mga mesa, upuan, kompyuter, at printer.

Binigyang-diin ni Ortega na napakalaki ng halagang sangkot—at sa hirap ng kalagayang pang-ekonomiya—hindi ito maaaring ipagsawalang-bahala.

“Hindi ito barya. Napakalaking halaga nito, at sa hirap ng buhay ngayon, inaasahan ng taumbayan na bawat sentimo ng pondo ng gobyerno ay maayos na naipapaliwanag,” aniya.

Binanggit din niya na nagmula ang disallowance sa natuklasan ng COA na hindi pagsunod sa Joint Circular 2015-01, na nagtatakda ng paggamit ng confidential at intelligence funds.

“Kapag may disallowance na at in-affirm pa ng COA, malinaw na may kakulangan na hindi naipaliwanag sa ilalim ng umiiral na mga tuntunin. Isa itong pormal na finding ng constitutional body na nagbabantay sa kaban ng bayan,” ani Ortega.

Dagdag pa niya, mas mabigat ang pananagutang kailangang ipaliwanag sa paggamit ng confidential funds dahil sa sensitibo nitong kalikasan.

“Mas mataas ang standard sa confidential funds dahil mas mataas ang tiwala ng bayan sa humahawak nito. Kaya mas makabubuti na sumunod sa utos ng COA at ituwid kung ano ang dapat ituwid,” diin niya.

Itinuro rin ni Ortega na hindi hiwalay ang isyung ito, dahil naglabas din ang COA ng mga notice of disallowance para sa una, ikalawa, at ikatlong quarter ng 2023 confidential funds ng OVP na umaabot sa humigit-kumulang P375 milyon.

“COA has already flagged a pattern. Kung paulit-ulit ang disallowance, may sinasabi ito sa paraan ng paghawak sa pondo ng bayan. Kaya nararapat lamang na isauli ang pinapasoli,” aniya.
“Simple lang ang hinihingi ng taumbayan: respeto sa proseso, respeto sa COA, at respeto sa pera ng bayan,” dagdag pa ni Ortega.