Calendar
Hamon ni Chair Abante si VP Sara: Harapin pagdinig sa Kamara, hindi lang media
HINIMOK noong Huwebes ni impeachment endorser at kinatawan ng Maynila na si Bienvenido “Benny” Abante si Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte na personal na humarap sa House Committee on Justice at sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya, sa halip na umasa lamang sa mga pahayag sa media.
“Ibigay niya ang kanyang paliwanag sa Committee on Justice. Hindi iyong puro propaganda lang siya,” ani Abante, chair ng House Committee on Human Rights, sa isang pahayag.
“Ang komite—at ang Senado kung doon ito mauuwi—ang tamang forum para sa kanyang paliwanag. Hindi lamang press release, social media post o press conference ang kanyang dapat gawin. Kung ganyan lang, malinaw na pag-iwas sa responsibilidad at pananagutan ito,” dagdag pa niya.
Inilabas ni Abante ang panawagang ito dalawang araw matapos ang clarificatory hearing ng justice panel hinggil sa mga reklamong impeachment.
Tinukoy niya ang mahahalagang ebidensyang iniharap sa pagdinig, kabilang ang testimonya ni Ramil L. Madriaga, na nagpakilalang umano’y bagman ni Duterte at diumano’y dummy ng dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa ilang bank account.
Binanggit din ang pinal na desisyon ng Commission on Audit (COA) na nagpapatibay sa disallowance ng P73 milyong confidential at intelligence funds (CIFs) ng Department of Education (DepEd) noong panahon ni Duterte bilang kalihim ng edukasyon.
Sinuri rin sa pagdinig ang mga natuklasan ng National Bureau of Investigation–Questioned Documents Division (NBI-QDD), na nakapansin ng pagkakatulad sa sulat-kamay at pirma sa mga acknowledgment receipt ng mga umano’y tumanggap ng CIF.
Para kay Abante, may bigat ang mga ulat na ito.
“Sa batas, may presumption of regularity ang mga ahensya ng gobyerno—ibig sabihin, inaasahang maayos ang kanilang ginawa at walang halong politika,” aniya.
Aniya, itinuturo ng mga natuklasan ang mga iregularidad sa paggastos ng halos kalahati ng P125 milyong CIF na inilabas sa DepEd.
“Ang final disallowance, malinaw: hindi pinayagan ang paggastos ng P73 milyon dahil kaduda-duda at walang sapat na dokumento,” paliwanag niya.
Binanggit din ni Abante na may mga katulad na kaso na umabot na sa Sandiganbayan at Office of the Ombudsman, kung saan may ilang opisyal na inatasang isauli ang pondo ng bayan.
“Ganito rin ang ibig sabihin ng desisyon ng COA—isauli ang P73 milyon ng VP at ng ilang opisyal ng DepEd,” ani Abante.

