PBBM

Manileños nakatanggap ng tig-10 kilong bigas kay PBBM

Edd Reyes Apr 16, 2026
82 Views

INILUNSAD noong Huwebes ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang “Biyayang Bigas para sa Maynila” program na nagbibigay ng tig-10 kilong bigas sa mga mamamayan.

Sinabi ng Pangulo na inuna lang ang Maynila dahil palaging mabilis ang pagtugon at kahandaan ng lokal na pamahalaan na pinamumunuan nina Mayor Isko Moreno Domagoso at Vice Mayor Chi Atienza sa pagpapatupad ng mga programa ng pambansang pamahalaan.

“Sinasabi ko ‘sino iyong handa, sino ‘yong ready? Maynila pwede na daw bukas eh, di ‘yon punta na ako sa Maynila,” sabi ni Pangulong Marcos.

Tiniyak ng Pangulo na isusunod ng iba pang local government units sa mga mabibigyan ng 10 kilong bigas sa bawa’t benepisyaryo.

Tinatayang 80,000 residente sa Maynila ang makakatanggap sa loob ng anim na buwan tig-10 kilong bigas kada taon na bahagi ng P15 bilyong Local Government Support Fund (LGSF).

“Kami ang nagbigay ng pondo sa LGU dahil sila ang nakakaalam kung sino ang nangangailangan,” paliwanag ng Pangulo.

Nagpasalamat si Mayor Isko Moreno sa Office of the President, Office of the Executive Secretary at Department of Budget and Management sa tulong sa mamamayan ng Maynila.