Farmers

DA hinimok ni Bernos maghanap pa ng institutional partners sa agrikultura

47 Views

NANAWAGAN ang isang miyembro ng House Committee on Agriculture and Food sa Department of Agriculture (DA) na ipagpatuloy ang paghahanap ng mga institutional partner upang mapakinabangan ng mga magsasaka at makatulong na mabawasan ang pagkasayang ng mga ani sa bansa.

Ito ay kasunod ng anunsyo ng ahensya na hindi bababa sa walong institutional buyers ang nagpahayag ng interes na direktang kumuha ng pulang sibuyas mula sa Mindoro matapos ang isinagawang virtual market matching noong Marso 31.

Idinagdag ng DA na ang posibleng buwanang demand mula sa mga buyer na ito ay umaabot mula 5 hanggang 16 metric tons.

“Ang mga institutional partnership ay isang magandang oportunidad na maaari nating tuklasin upang masiguro ang kabuhayan ng mga manggagawang agrikultural at mabawasan ang pagkasayang ng ani. Umaasa ako na patuloy na makikipag-ugnayan ang DA sa mga partner sa pribadong sektor hinggil dito,” ayon kay Abra Rep. JB Bernos.

Noong 2024, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel na humigit-kumulang 30 porsiyento ng produksyon ng agrikultura sa bansa, lalo na ang mga gulay, ang nasasayang dahil sa mahinang sistema ng logistics.

Gayunman, inamin ni Tiu Laurel na walang eksaktong datos upang masukat ang pagkalugi sa sakahan, at ang 30 porsiyentong pagtataya ay batay lamang sa kanyang karanasan bilang may-ari ng isang cold chain logistics company.

Binanggit ni Bernos ang pangangailangan sa institutional buyers bilang katuwang ng malalaking pamumuhunan sa post-harvest facilities, dahil ayon sa kanya, “ang pagkakaroon ng siguradong mamimili ay nakatutulong upang matugunan ang kawalan ng katiyakan na karaniwang kinakaharap ng mga magsasaka sa pagbebenta ng kanilang ani.”

Ipinunto rin ng mambabatas ang papel ng DA sa pagiging tagapamagitan sa pagitan ng mga prodyuser at mamimili, at sa pagtiyak na makikinabang ang mga magsasaka sa mga kasunduang pagbili.

“Sa huli, dapat na napoprotektahan ang ating mga magsasaka at ang kanilang interes. Natutuwa naman tayo at mukhang kasama sa ginagawa ng DA ang pagsiguro na hindi malulugi ang mga magsasaka sa mga purchase agreements,” ani Bernos.