Lacson

Impeachment hearing sa Senado gustong gawing MWF ni Lacson

44 Views

NAGLATAG si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ng posibleng iskedyul para sa Senado kung aabot sa paglilitis ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa ilalim ng mungkahi ni Lacson, isasagawa ang impeachment proceedings tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes simula alas-3:00 ng hapon at gaganapin naman ang mga sesyon ng Senado tuwing Martes at Huwebes.

“Ang suggestion ko gawin natin ang impeachment trial MWF, 3:00 p.m. up. Tapos ang TTH, gawin nating meron tayong session,” ani Lacson.

Sinabi ni Lacson na layon ng panukalang iskedyul na maiwasang maantala ang gawain ng Senado kung araw-araw gaganapin ang impeachment proceedings o kung sasabay ito sa regular na mga sesyon.

“Ibigay natin ang umaga sa ating mga kasamahan para makapag review makapaghanda at sa lahat. Para hindi rin mapahamak ang ating committee hearings,” aniya.

Sinabi niyang ipatutupad lamang ang naturang iskedyul kung maipadala ng House of Representatives sa Senado ang Articles of Impeachment laban sa bise presidente.